• Home
  • Fresh Scoops
  • Bela Padilla target si Liza Soberano sa kanyang directorial debut

Bela Padilla target si Liza Soberano sa kanyang directorial debut

Sa pagiging busy sa trabaho ni Bela Padilla sa darating na taon, wala na ba siyang oras para sa love life?

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/13/2019 10:57 AM
Bela Padilla target si Liza Soberano sa kanyang directorial debut


Tatapusin ni Bela Padilla ang 2019 na may pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival—ang Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films na pinagbibidahan din ni Aga Muhlach. Nakalatag na rin ang mga projects na gagawin niya for 2020 at kabilang na dito ang pagdidirek niya ng pelikula sa Star Cinema.

“Sinulat ko siya and actually matagal na siyang gustong ipagawa sa akin ni Tita Malou (Santos) for Star Cinema,” kuwento ni Bela sa PUSH.

May napili na rin daw siya na magbibida sa kanyang directorial debut bilang filmmaker.

“Marami kaming kino-consider, pero ako, personally gusto kong makatrabaho kasi si Liza Soberano, so sana. Tingnan natin kung tatanggapin niya ito.

“Sana tanggapin niya at sana magustuhan niya kasi magpi-pitch pa lang kami sa kanya.  ‘Liza nananawagan ako,’” pakiusap niya sa aktres.

Eh, bakit ba si Liza ang gusto niyang idirek?

Sagot ni Bela, “Bukod sa napakaganda niyang mukha parang may nakikita akong aura sa kanya na napakabait niyang tao and yung character kasi bagay sa kanya. Di ba, pag nakikita mo si Liza parang ang bait-bait ng bata.”

Matindi ang focus ni Bela sa kanyang career at sa roles na naa-assign sa kanya nitong 2019 na naging dahilan para hindi siya magkaroon ng love life.

“Minsan nararamdaman ko na hindi ko naaayos yung personal life ko kasi iniintindi yung roles, kasi gusto mong tutukan. Siyempre binayaran ka nang maayos, gusto mong gawin yung trabaho mo nang maayos.

“But I’m very happy naman where I am now as a person, pero siyempre, alam ko naman na marami na rin akong kailangang gawin, especially ano na ako ngayon, 27 na. Baka nga dapat tigil-tigilan ko munang magtrabaho. Charot lang, hindi naman,” pabiro niyang pahayag.

Dugtong ng aktres, “Baka naman dapat lang magkaroon ako ng time na umupo at maging open na siguro sa possibilities ng mundo. Kasi ilang taon ko ng iniisip na paano kaya ako kung kunyari magkakaroon ako ng boyfriend, eh, nagte-taping ako, alam mo yon, tapos hindi mo rin naman mabibigay yung oras mo.”

Nahihirapan ba siyang balansehin ang career at love life?

“Medyo ano po ako, eh, parang may blinders (sa mata) parang horse at gusto ko talaga ginagalingan ko sa isang bagay,” sagot niya.

Samantala, bukod sa pagdidirek ay may movie rin ulit si Bela kasama si  JC Santos. May gagawin din ang aktres na Pinoy adaptation ng isang comedy Korean movie.

“Ang next movie ko po with JC (Santos) and I’m happy and very different. Ibang-iba po kami dito. Isa po akong child star dito na nalaos. Valentine film siya at natapos na po kaming magsyuting nung May.

“Tapos may storycon po ako para sa bagong movie. Cute naman ito, Korean movie na ia-adapt for Filipino film pero light and first time kong magko-comedy,” balita pa niya sa PUSH.

Mapapanood ang Miracle in Cell No. 7 simula December 25. Kasama rin sa movie na idinirek ni Nuel Naval sina Joel Torre, Soliman Cruz, Mon Confiado at Xia Vigor.