• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Lassy Marquez, hindi ini-expect na magiging bida sa pelikula

EXCLUSIVE: Lassy Marquez, hindi ini-expect na magiging bida sa pelikula

Sina Vice Ganda at direk Wenn Deramas ang naging daan ni Lassy Marquez sa paggawa ng pelikula.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/5/2019 11:56 AM
EXCLUSIVE: Lassy Marquez, hindi ini-expect na magiging bida sa pelikula


Hindi ini-expect ni Lassy Marquez na mabibigyan siya ng chance na magbida sa pelikulang Two Love You kasama sina Yen Santos at Hashtag Kid Yambao.

Ani Lassy na natatawa, “Wala, wala akong ini-expect as in. Happy lang ako ngayon, sobrang happy talaga ako, sa mga nangyayari, sa mga tulong ng ibang tao, sa mga kaibigan ko.”

Kaya lang, aminado ang komedyante na kahit maganda ang takbo ng kanyang career ay wala naman siyang love life ngayon. Matagal na raw kasi silang naghiwalay ng kanyang boyfriend na nakarelasyon niya rin for almost two years.

“Ang daming dumarating pero… naano ako, eh, sobrang nasaktan, so siyempre parang yung naging focus ko ngayon trabaho, saka yung mga gusto ko pang gawin sa buhay,” katwiran pa niya.

Taong 2006 nang magsimula sa showbiz si Lassy bilang jester sa ABS-CBN program ni Willie Revillame na Wowowee.

“Pero hindi ako yung nakaka-penetrate talaga. Tapos maggi-guest ako sa teleserye tapos mawawala na naman, balik ka na naman sa jester. Ang tanda ko, 2011 nung nagsimula talaga ako sa pelikula.

“Siyempre nando’n pa rin yung takot ko na after 2011 baka wala nang kasunod pero nasundan nang nasundan. Hanggang pati ibang artist nakatrabaho ko na bukod kay Vice (Ganda),” kuwento pa ni Lassy.

Hindi naman itinatanggi ni Lassy na kung hindi dahil kina Vice at sa yumaong Direk Wenn Deramas ay hindi niya mape-penetrate ang movies.

“Actually, silang dalawa yung instrumental. Siguro kong hindi dahil sa kanila until now nag-aano pa rin ako, nagta-try, pero andon pa rin yung talagang susubukan ko pa rin at gagalingan ko pa rin,” pagtatapat niya.

Ipinagmalaki din sa PUSH ni Lassy ang ilang achievements niya bilang artista para sa pamilya.

Wika niya, “Unang-una, napagtapos ko ng Nursing yung sister ko at ngayon ay nasa Amerika na siya. Pangalawa, nakabili na rin ako ng sasakyan. Pangatlo, nakabili na rin ako ng bahay at lupa.

“At siyempre, ipon-ipon pa rin kasi marami pa akong gusto sa buhay, eh. Gusto kong mai-travel yung buong family ko hindi yung ako nang ako lang. Kasi minsan, nangyayari sa akin, ang gaganda ng mga hotel na napupuntahan ko tapos yung kinakain ko sana matikman din nila, sana ma-experience din nila yung ganun.”

Dagdag pa ni Lassy, mas nakakapag-celebrate na raw sila ngayon ng buong pamilya dahil sa mga blessings na dumarating sa kanya.

“Kung noon, yung kinakain naman ito lang, pero ngayon natitikman na naming lahat ng mga gusto namin at nakakapag-celebrate kami nang bongga. Kasi noon, pamilya lang ang nagsi-celebrate, eh, kami lang. Pero ngayon nagsi-celebrate kami kasama ng mga kumare nila, mga kaibigan, ganun,” masaya niyang pahayag.

Samantala, ang Viva Films ang magre-release ng Two Love You na ipalalabas sa mga sinehan simula sa November 13. Ang pelikula ay prinodyus ni Ogie Diaz at ni Direk Benedict Mique.