JBK, inalala ang mga natutunan sa X Factor UK

Miyembro ng JBK, focus muna sa karir bago love life.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/26/2019 10:32 AM
JBK, inalala ang mga natutunan sa X Factor UK


Photo credit: @jbkbandofficial IG

Unti-unti nang lumilikha ng pangalan sa music industry ang JBK trio na binubuo nina Joshua Bulot, Bryan del Rosario, at Kim Lawrenz Ordonio. Claim to fame nila ngayon ang kantang “Anestisya” na nilikha ng entertainment writer na si Jojo Panaligan.

Sa interbyu ng PUSH sa JBK ay binalikan ng tatlo ang naging experience nila nung sumali sa 2017 X Factor UK lalo na kung paano sila nakakuha ng pambili ng tiket sa eroplano papuntang UK.

“Nag-solicit kami sa iba’t ibang kompanya. Parang may usapan kami na na ex-deal, na every P50,000 may performance kami sa kanila pagbalik namin sa X Factor. So siyempre, by that time December na yon, so kailangan nila ng mga artists sa mga Christmas party nila, so kami libre na lang sa kanila. Nung 2017 parang nagbayad lang talaga kami ng mga utang no’n pero ang dami naming events noon,” pagre-recall ni Joshua.

Dagdag naman ni Bryan, “Ang ginagawa nila pinapakanta talaga nila kami sa office nila. Para din kaming nag-a-audition para lang maka-solicit kami. Kasi that time kailangan namin ng P50K per head, balikan na yon.”

“Pero ang naging problema kasi namin, bumalik kami agad dito after naming mag-audition don, bale one week lang kami do’n. Kasi sinabihan nila kami na tatawagan na lang daw ulit nila kami after a few months, so pagbalik namin dito biglang tumawag agad sa amin na kailangan na naming bumalik kasi mag-start na raw yung competition, so ganun ulit yung ginawa namin. Humanap ulit kami ng company para do’n mag-solicit,” susog naman ni Kim.

Ano ba ang natutunan nila sa sinalihang international competition?

“Don namin natutunan kung paano i-handle yung pressure, paano mag-perform sa ganung klaseng crowd and maging artist talaga,” lahad ni Bryan.

“Ang natutunan namin, kapag sumali ka do’n dapat artist ka na talaga. Ipapakita mo kung ano ka, kung sino ka. Kasi for example, kung doon ka pa lang maghahanap ng identity mo malalaman din ng ibang contestants.

“Kasi nung season namin, lahat ng sumali don puro local artists ng UK. Yung iba do’n naka-sando lang pero ang lakas ng dating, alam na nila kung anong klaseng artist sila, kung ano sila, so kailangan pagdating mo do’n ready ka talaga.

“So kami, after nung X Factor UK, gusto nga naming sumali ulit, eh, kasi at least alam na namin ngayon kung ano kami. Tapos yung nanalo nung season namin, yung audition nila until nanalo sila puro original songs. So, isipin mo kung gaano sila kagaling, every live show, every week silang sumusulat ng bagong kanta,” kuwento pa ni Joshua.

Ang local boy band ng UK na Rak-Su ang nanalo sa 2017 X Factor UK. Pumasok naman sa semi-finals ang JBK.

Aminado ang “Anestisya” singers na malaki ang naitulong ng X Factor UK para mapadali ang kanilang pagsikat sa Pilipinas.

“Siguro, makikilala din naman kami pakonti-konti pero mas matagal. Yung X Factor UK kasi is parang medyo naging shortcut siya para mas makilala kami, kaya  sobrang thankful kami sa X Factor,” sambit ng tatlo.

Ipinagmalaki din ng tatlong binata na lahat sila ay single at walang girlfriend ngayon. Gusto lang daw muna nilang mas makapag-focus sa kanilang career.

“Pag wala ka kasing GF, parang ito na lang yung iniisip mo. For example, imbes na makipag-date ka gumawa ka na lang ng kanta. Na-instil din sa amin ng handlers namin, in-advice-san kami to stay single kasi siyempre maraming selosong fans, maraming selosong mga supporters at pag nalaman nilang you’re in a relationship parang nawawala yung value mo,” katwiran ni Kim na sinang-ayunan naman nina Bryan at Joshua.

As of now, hindi rin ini-entertain ng JBK ang posibilidad na ma-disband sila anytime soon na katulad ng nangyari sa ibang mga grupo.

“Para kasi sa amin, hangga’t hindi pa namin na-achieve yung gusto naming marating wala pa munang aalis. Kasi meron kaming same goal talaga, eh, and hangga’t nando’n yung goal na yon hindi kami maghihiwalay,” pangako nila sa isa’t isa.

Mapapanood ang official lyrics video ng “Anestisya” sa Rider PH Studios YouTube Channel.