• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Cindy Miranda, natulala nang unang mapanood ang kanyang mga daring scenes sa ‘Adan’

EXCLUSIVE: Cindy Miranda, natulala nang unang mapanood ang kanyang mga daring scenes sa ‘Adan’

Aminado si Cindy Miranda na magkahalong emosyon ang kanyang naramdaman nang unang nakita ang kanyang mga maseselang eksena sa ‘Adan.’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/20/2019 1:11 PM
EXCLUSIVE: Cindy Miranda, natulala nang unang mapanood ang kanyang mga daring scenes sa ‘Adan’


Hangga’t maaari ay ayaw maikumpara ni Cindy Miranda sa former beauty queen at kapwa kasamahan sa Binibining Pilipinas na si Maria Isabel Lopez na namayagpag sa paggawa ng bold films noong dekada ‘80. Ayaw daw niya na matulad sa naging kapalaran nito na hindi pinapasok sa isang event ng Binibini.

Kakayanin din ba niya ang mga ginawa noon ng dating Binibining Pilipinas Universe na talagang all-out sa paghuhubad sa pelikula?

“Ayokong i-try yon kasi baka hindi rin nila ako papasukin sa event nila,” natatawang reaksyon sa PUSH ni Cindy.

Isa sa boldest films noon ni Isabel ay ang pelikulang Isla. Ini-launch naman si Cindy ng Viva at Aliud Entertainment sa erotic psycho thriller film na Adan kasama si Rhen Escano na palabas na sa mga sinehan ngayon.

“Hindi ko pa napanood ang Isla pero baka panoorin ko yung Isla soon for a project. Pero narinig ko na itong movie na ito ay super blockbuster talaga. Three months atang tumagal sa sinehan.

“So imagine that, tatlong buwan nagtagal yung movie sa sinehan, so ibig sabihin effective siya. Kaya lang after that, at pagkatapos ng iba pa niyang ginawa ay narinig ko nga na itinakwil siya sa Binibining Pilipinas.

“Siguro hindi naman mangyayari sa akin yon, kasi wala naman ako bastos na ipinakita. At bilang tapos na ang kontrata ko sa Binibining Pilipinas, pero sabi nga nila once a Binibini always a Binibini, nasa puso ko pa rin ang Binibining Pilipinas. Ang dami kong natutunan sa pagiging beauty queen kasi hindi lang naman ganda-gandahan ang pagiging beauty queen.

“Kailangan yung discipline sa sarili and yung maging smart ka. Hindi lang sapat na maging maganda ka, kailangan matalino ka. Kailangan sigurado ka din sa mga sinasabi mo sa ibang tao, kasi kailangang maniwala sa ‘yo ng tao.

“It’s just that I want to be an actress too. Kung masisira man yung pagiging beauty queen ko, igagalang ko yung magiging desisyon ng Binibini, but I don’t think na meron akong sinira sa pagiging Binibini ko,” tuluy-tuloy niyang pahayag.

Pinanood ni Ruffa Gutierrez, co-Binibini ni Cindy ang premiere night ng Adan at ayon kay Cindy, nagustuhan daw naman ng former beauty queen ang pelikula.

Ani Cindy, “Actually hindi ko siya (Ruffa) ini-ready, eh. Sinabi ko lang sa kanya na manood. Hindi niya alam kung ano yung papanoorin niya pero I think napanood niya yung trailer. It’s just that kanina sobrang tuwang-tuwa ako kasi sabi niya, ‘Wow, ang ganda ng movie.’ Natutuwa ako na ganun ang reaksyon nila ni Tita Annabelle (Rama).

Eh, ano naman ang reaksyon niya habang pinapanood ang sarili sa pelikula with all those breat exposures and torrid kissing scene sa kapwa babae?

“Actually nung first time kong napanood yung movie nung press preview natulala ako,” tugon niya. “Actually, pag labas ko do’n sa cinema parang hindi ko alam kung gusto ko bang lumayo, gusto kong umiyak.

“Kasi for the first time, alam ko lahat ng ginawa ko, tinanggap ko lahat ng ginawa ko at pinanindigan ko lahat ng ginawa ko. It’s just that iba pa rin pala pag nakita mo yung sarili mo na for the first time na you’re naked and even your soul is naked.

“Pero sabi ko nga, dahil naniniwala ako sa movie na ito alam kong walang bastos sa ginawa namin. Ginawa lang namin yung best namin para maikuwento ng buo sina Marian at Ellen na-realize ko na walang dapat ikahiya.

“Kahit naman anong komento, alam kong hindi magiging positive lahat ng komento dito, pero I think, sa sarili ko na-satisfy ako, napasaya ko yung mga  producers namin at feeling namin naging successful yung movie kaya dapat maging proud ako sa movie na ito,” katwiran pa niya.

Wala din daw siyang regret sa kanyang mga ginawa sa Adan.

“Wala pong regret. Ngayon na napanood ko na second time sabi ko, ‘Wow’  at proud ako sa sarili ko na ginawa ko ito at yung character ni Marian,” pagmamalaki pa niya.

Ang Adan mula sa script ni Yam Laranas at sa direksyon ni Roman Perez, Jr.