• Home
  • Fresh Scoops
  • Pelikula ni Yul Servo na ‘Food Lore: Island of Dreams’ ipapalabas sa HBO

Pelikula ni Yul Servo na ‘Food Lore: Island of Dreams’ ipapalabas sa HBO

Yul Servo, ipinaliwanag kung bakit di niya maiwan ang showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/2/2019 11:49 AM
Pelikula ni Yul Servo na ‘Food Lore: Island of Dreams’ ipapalabas sa HBO


Hindi pa rin totally iniiwan ni Cong. Yul Servo ang pag-arte kahit pa sobrang abala siya sa pagsisilbi sa kanyang constituents sa 3rd district ng Maynila bilang congressman. Mapapanood si Yul sa pelikulang Food Lore: Island of Dreams na ipapalabas sa HBO simula November 3.

Kasama ni Yul sa Island of Dreams sina Angeli Bayani at Ina Fileo. The film is directed by Erik Matti.

“Maganda ‘yung pelikula. Dati nakakagawa ako ng pelikula na inilalaban sa ibang bansa. Dito, first time na ‘yung walong bansa nagsama-sama ‘yung kultura at kasama ang tungkol sa pagkain.

“Masuwerte ako na napasama ako sa pelikula na ‘yon. Hindi lang siya basta kuwento ng pagkain. Parang experience ko rin sa kinalakihan ko.

“Bale nag-shooting kami ng 13 to 14 days sa Sepalay sa Negros. Pero ako six days akong nag-shooting doon. Ang ganda ng experience ko, napakagaan,” simulang kuwento ni Cong. Yul nang makatsikahan siya ng ilang entertainment press kamakailan.

Dugtong ni Yul, “Ang galing ni Direk Erik Matti. Actually, magaling naman talaga siya dahil pangalawang movie ko na ito sa kanya. Yung una yung horror movie na Pasiyam. Ang gaan lang ng trabaho namin sa Food Lore: Island of Dreams, para kang hindi nagtatrabaho, para ka lang nagbabakasyon.”

Ipinagmalaki din ni Yul na involved ang ibang mga bansa sa pelikulang ginawa niya.

“Movie ito na mayroong walong bansa na nagsama-sama. Actually, ang kagandahan pa isa tayo sa mga unang bansa kung saan ito ipapalabas sa Asia. Ipapalabas din ito sa Japan at saka sa Vietnam. Puro tungkol sa pagkain ito, yung kultura ng bansa,” lahad pa niya.

Eh, bakit nga ba hindi pa rin niya iniiwan ang showbiz kahit busy siya sa pulitika?

“Iba kasi ang showbiz, dito ako nagsimula. Ito rin yung larangan na nagbigay sa akin ng pagkakataon para manalo ako noon ng councilor. Kasi singkwenta porsiyento ng pagpapakilala nagawa ko na sa pagiging artista, eh,” katwiran niya.

“At saka yung pagiging artista nag-e-enjoy ako doon, eh. Passion ko yun, eh, yung umarte sa harap ng camera at gumanap sa iba’t ibang klaseng karakter. Ang sarap kaya ng pakiramdam na iba-iba yung nagagampanan ko—minsan mayaman ka, minsan mahirap, dito kontrabida ka, tapos bida ka,” dagdag niyang pahayag.

Iba rin daw ang pakiramdam kapag nare-recognize ang trabaho niya bilang aktor at nabibigyan ng award.

“Yes, kasi noon kapag nanonood ako ng awards night, pinapangarap ko ring manalo ng Best Actor. Tapos nanalo naman ako. Bale sa Best Actor pito, tapos tatlong Best Supporting Actor, kaya okay naman.

“Bale apat doon sa pitong Best Actor galing pa sa abroad like sa Brussels. Tapos taun-taon pa akong nananalo noon, 2001, 2002, 2003, 2004, 2005. Siyempre magaling din kasi ang manager ko noon si Direk Maryo J. delos Reyes,” pagmamalaki pa niya.

Samantala, ang pelikulang Island of Dreams ay produced ng HBO-Asia Original at magpi-feature sa iba’t ibang cuisine sa Asya. Bukod sa Pilipinas, ipapalabas din ang pelikula sa iba’t ibang Asian countries.