Ion Perez, ikinuwento kung paano na-fall kay Vice Ganda

Ayon kay Ion Perez, hindi raw niya inaasahang magkakatuluyan sila ni Vice Ganda.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

11/19/2019 12:58 PM
Ion Perez, ikinuwento kung paano na-fall kay Vice Ganda


Photo credit: @perezion27 on Instagram

Matapos umamin sa publiko ng It’s Showtime host na si Vice Ganda na karelasyon niya ang katrabahong si Ion Perez, marami ang na-curious kung paano nagsimula ang kanilang pagtingin sa isa’t isa.

Sa eksklusibong panayam naman ni Ogie Diaz, na isa sa malalapit na kaibigan at dating manager ng komedyante, inilahad naman ni Ion kung paano siya na-fall kay Vice.

Ayon sa dating modelo, hindi raw niya inaasahang magkakatuluyan sila ni Vice at nais lamang niya noon na maging magkaibigan sila.

“Hindi ko inisip na darating kami sa ganito. [Inasahan ko na] maging kaibigan lang talaga na kung may problema siya, baka isa ako sa mga puwede niyang pagsabihan. Pero hindi ko talaga in-expect na darating kami sa ganito,” kwento ni Ion.

“Hindi ko masisisi ang sarili ko, sobrang bait ni Vice. Hindi mo rin ako masisisi kung bakit ako na-in love sa kaniya, kasi sobrang bait niya talaga,” dagdag pa niya.

May mga sariling anak naman si Ogie kung kaya naitanong nito si Ion kung may balak din ba sila ni Vice na magkaanak kinalaunan.

“Ako, unang-una, nalilibang ako sa mga pamangkin ko… Pero kung sa kaniya po manggagaling… Ang sabi ko, kung saan siya masaya, masaya na rin ako. Wala namang magiging problema sa akin iyon,” aniya.

Inamin naman ni Ion na napag-uusapan din nila ang pagpapakasal ngunit hindi naman nila ito minamadali.

“May time na pinag-uusapan, pero sabi namin, hindi namin kailangan magmadali, basta nagkakaintindihan kami ngayon, nagmamahalan kami. Darating din po siguro ‘yung time na ‘yon, ‘yung magpapakasal.”

Nilinaw din niya na isa siyang ‘straight’ na lalaki na nagkataong na-in love sa isang bakla.

“Dati, hindi ako naniniwala sa ‘forever,’ pero ngayon, nararamdaman ko na makakasama ko talaga siya nang matagal,” pahayag ni Ion.

Ikinuwento naman ni Ion na nakilala niya ang pamilya ni Vice at bilin ng kanyang nanay Rosario na alagaan ang anak niyang si Tutoy. Tutoy naman ang palayaw ni Vice noong bata pa lamang siya.

“Alagaan ko raw si Tutoy, mahalin ko raw si Tutoy. Sabi ko, ‘Nay, sa abot ng aking makakaya, aalagaan ko at mamahalin ko si Tutoy.’”

Nang tanungin kung nagseselos ba si Ion, inamin nito na noong kakasimula ng kanilang relasyon ay nagseselos siya sa ilang malalapit na kaibigang lalaki ni Vice ngunit naintindihan naman daw niyang marami siyang kaibigan. 

Para naman sa kanya, hindi raw niya binibigyan ng dahilan upang magselos ang komedyante.

“Alam ko na po kasi ‘yung gagawin ko para hindi siya magselos. Alam ko po ‘yung pakiramdam ng nagseselos kaya ayaw kong iparamdam sa kanya,” ani Ion.

 

Para naman sa mga nagsasabing ginagamit lamang ni Ion si Vice, aniya, “Sa lahat ng nag-iisip na piniperahan ko si Vice Ganda, masasabi ko lang sa inyo, pakisamahan niyo lang ako sa maghapon. Kung may masabi kayo sa pag-uugali ko, sige, magpapakilala ako.”

Sa huli ay nagbigay siya ng mensahe para sa ‘darling kong betle.’

“Hi, babe! ‘Diba lagi ko namang sinasabi sa’yo, mahal na mahal na mahal kita. Basta nandito lang ako. Hindi ako papaya na masaktan ang damdamin mo, dahil, babe, mahal na mahal kita.”