• Home
  • Fresh Scoops
  • REVIEW: ‘Sila-Sila’: Ano ang buhay pagkatapos ng ‘ghosting’?

REVIEW: ‘Sila-Sila’: Ano ang buhay pagkatapos ng ‘ghosting’?

Pruweba rin ang pelikulang ‘Sila-Sila’ na ang kuwentong pag-ibig ng mga bakla ay hindi nalalayo sa iba.

BY EDO DARIA

Twitter: @edodaria

FRESH SCOOPS

11/12/2019 2:11 PM
REVIEW: ‘Sila-Sila’: Ano ang buhay pagkatapos ng ‘ghosting’?


Naging malaya ang direktor at manunulat ng Sila-Sila na sina Giancarlo Abrahan at Daniel Saniana sa pagpapakita ng totoong istorya ng pag-ibig na naaayon sa panahon ngayon.

Hindi dumepende ang pagtayo ng pelikula sa sikat na mga artistang gumanap dahil mas nai-angat ang husay ng mga aktor. Hindi rin naka-depende ang pelikula sa magarbong eksena, o malalalim na linyang may hugot para itawid ang mga emosyong hinihingi ng istorya. Napapanahon at malapit sa katotohanan ang mga ginamit na elemento ng pelikulang ito.

Matagumpay na ikinuwento ng bawat aktor ang mga karakter sa naratibo. Malapit sa katotohanan ang mga linyang binitawan nila, at mga emosyong itinawid nila sa mga manonood.

Bukod sa pagkakaroon ng mga mahuhusay na mga aktor ng teatro, naging kalakasan din ng pelikula ang pagkuha ng mga aktor na nagmula mismo sa kinabibilangan nilang grupo sa totoong buhay. Si Gio Gahal at Topper Fabregas na gumanap bilang Gab at Jared, ay parehong bukas sa kanilang kasarian --isang matapang na pagganap at pagpapakita ng katotohanan ng mga karakter.

Nagkaisa ring sumuporta ang mga kasamang gumanap tulad nila Juan Miguel Severo, Adrienne Vergara, Phi Palmos, Dwein Baltazar, at iba pang mga pamilyar na aktor sa indie scene.

Umikot ang kuwento sa pagsubok ng karakter ni Gab na bumalik at komprontahin ang mga iniwang kaibigan (Dwein at Phi), at dating kasintahan na si Jared (Topper), matapos niya itong iniwan nang walang pasabi, o mas millennial na tawag ay 'ghosting'. Makataong ipinakita ng pelikula ang emosyonal at sosyal na hirap ng karakter ni Gab sa kaniyang pagbabalik—bagay na hindi agad naiintidihan ng marami sa kaso ng 'ghosting', at maaaring bago sa marami.

Sa kabila nang pagiging malapit ng kuwento sa reyalidad, naging bago rin ang Sila-Sila sa panlasa ng manonood. Bago dahil kaya nitong buksan ang usapin sa mga bagay na madalas ay iniiwasan, pero ganap na nangyayari sa ngayon—ang ibang mukha ng 'gay love stories' na hindi nalalayo sa ibang kuwentong pag-ibig. At ang modernong pagtingin ng kasalukuyang henerasyon sa pakikipag-relasyon, pang-kaibigan man o pang-kasintahan.

READ: ‘Sila Sila’ director Giancarlo Abrahan explains why he chose gay actors for his new movie

Mapapanood ang Sila-Sila sa mga sinehan hanggang November 17, bilang kalahok sa Cinema One Originals Film Festival.