• Home
  • Fresh Scoops
  • Dimples Romana, inaming napag-isipan na ang pag semi-retire sa susunod na taon

Dimples Romana, inaming napag-isipan na ang pag semi-retire sa susunod na taon

Nasa punto na daw si Dimples Romana na gusto niyang makatulong sa iba pang mga artistang nagsisimula pa lang.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/12/2019 12:15 PM
Dimples Romana, inaming napag-isipan na ang pag semi-retire sa susunod na taon


Ayon sa Kadenang Ginto lead actress at endorser ng Skin Magical na si Dimples Romana ay wala na raw siyang mahihiling pa ngayon pagdating sa personal na buhay at sa takbo ng kanyang career sa showbiz.

Sumikat ang karakter ni Daniela sa Kadenang Ginto na naging dahilan para magkaroon din siya ng product endorsement. Bukod sa Skin Magical, may dalawa pang produktong ie-endorse si Dimples na ayaw muna niyang pangalanan.

“Siguro nando’n na lang ako sa punto na gusto ko na lang makatulong sa iba, alam mo yon. Kasi umabot din naman ako dito dahil maraming tumulong sa akin, eh, so dapat sa buhay pag ika’y natulungan ibalik mo rin yung tulong na yon,” sagot ni Dimples sa aming tanong kung meron pa ba siyang ina-aspire sa buhay niya ngayon.

Patuloy ng aktres, “At kadalasan yung mga tumutulong sa atin hindi nila kailangan yung tulong natin, eh. And this is where the chain happens, then you help out people who need help.

“For example, ako, nung nagsisimula akong mag-artista maraming nagbigay sa akin ng words of wisdom, mga nanay-nanayan ko sa industriya, tatay-tatayan ko. Hanggang ngayon ang sarap ng pakiramdam na pag nakikita ko sila masayang-masaya sila para sa ‘yo kasi ramdam nila yung pinaghirapan mo, alam nila.”

Kahit may mga nagsasabi sa kanya na deserve niya kung ano man ang magagandang nangyayari sa buhay niya ay parang hindi pa rin daw siya makapaniwala.

“Kasi sa totoo, nando’n pa ako sa point ngayon na hindi pa siya masyadong nagsi-sink in sa akin. Overwhelmed pa ako, so nando’n pa ako sa nahihiya pa ako kasi pakiramdam ko, kasi naisip ko, ‘Lord, puwede na ito sa iba,’ kasi masaya na ako, eh, punumpuno na po,” lahad niya.

“Sa’n ka nakakita, i-flex ko lang ha, sobrang saya ko sa trabaho, nirerespeto ka sa trabaho, mahal ka ng mga katrabaho mo, pagdating mo ng bahay niyayakap ako ng pamilya ko. Walang sasarap pa, walang sasarap kasi magkakasama kami.

“Nararamdaman ko na sa parehong aspeto ng buhay ko balanseng-balanse. So, ngayon, nandon ako sa nahihiya ako na parang, ‘Lord, sure ka ba na ibibigay mo pa sa akin ito?’ Puwede na sa iba ‘to. Pero ang sabi ng Diyos kasi, ‘no, you have to embrace my blessings.’ So yon, parang nando’n ako sa point na ganun, parang gusto ko lang ding makatulong,” dire-diretso pa niyang pahayag.

Tinanong din namin si Dimples kung kailan niya balak mag-slow down sa showbiz at nagulat kami sa sagot niya na iniisip na rin pala niya ang mag-semi-retire next year.

“Sabi ko nga kay Kuya Alan (handler niya sa Star Magic), ‘Kuya Alan, alam mo parang enough na yung ipon ko, puwede na akong mag-semi-retire next year. Sabi sa akin, ‘Ano? Naku, hindi puwede!’

“And sinabi din naman sa akin nina Ms. Pie (Cherry Pie Picache), ‘Dimps, no. You keep going.’ I was thinking, oo nga,” kuwento pa ng aktres.

Eh, bakit nga ba niya gustong mag-semi retire?

Rason ni Dimples, “Kasi parang minsan, when you feel that the blessings have already been enough you feel it’s okay to stop. And I also don’t want to be greedy, eh. I also don’t believe that money is the end-all of everything, eh.”

Gusto din daw niyang mag-inspire ng mga kabataang artista na nawawalan ng pag-asa sa industriya kaya nagbago ang isip niyang magretiro agad.

“I believe in inspiring people. So, mas yon ang motivation ko to keep going because para don sa mga batang artista ngayon na pakiramdam nila wala silang puwesto sa industriyang ito.

“Gusto ko pag nakita nila ako, maisip nilang, ‘ba’t si Ms.Dimples tyinaga niya ‘yon, ilang taon yon, darating din yung para sa akin.’ Gusto ko pag nakita nila ako ganun ang maramdaman nila,” huling pahayag ng magaling na aktres sa PUSH.