Vice Ganda, masaya sa pagbabalik-TV ni Jay-R Siaboc

Nanawagan din si Vice Ganda na sana ay tuluyang makabalik si Jay-R Siaboc sa pag-perform.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

10/8/2019 12:49 PM
Vice Ganda, masaya sa pagbabalik-TV ni Jay-R Siaboc


Masayang-masaya si Vice Ganda nang muli niyang makita ang kaibigang si Jay-R Siaboc sa Tawag ng Tanghalan Celebrity Edition sa It’s Showtime at hiniling na sana ay magtuluy-tuloy pa ang kanyang pagpe-perform sa TV.

Si Jay-R ay unang sumikat sa programang Pinoy Dream Academy noong 2006 kung saan itinanghal na champion si Yeng Constantino.

"Masaya ako na nagkita kami ulit, barkada kasi kami nito e,’" ani Vice.

"Salamat nga pala sa 'Showtime.' Binigyan nila ako ng chance na makapag-perform ulit dito at makapunta ulit ng Maynila, so thank you," mensahe naman ng “Hiling” singer.

Pinuna naman ng host na magaling pa rin siya kahit na matagal na siyang hindi nakapag-perform muli sa publiko.

"Ako rin na-miss ko sobra dito mag-perform kasama ang mga tao, kasama kayo siyempre," ani Jay-R.

WATCH: Vice Ganda, masaya nang muling makita si Jay-R Siaboc

Napansin naman ni Vice na kabado si Jay-R ngunit sinabing hindi nawala ang talento nito, kung kaya nanawagan din siya na baka naman matulungan ang singer na makabalik sa pag-perform muli.

"I’m sure kinakabahan ka, kasi parang bago sa 'yo ulit ito e, kaya ako ang wish ko, mabalik ulit sa 'yo 'yung confidence na mayroon ka dati, 'yung paniniwala mo na meron ka sa sarili mo, na mahusay ka," pahayag ni Vice.

"Maaring 'yun ang nawala sa dami ng mga nangyari sa buhay mo, pero gusto kitang i-remind na hindi nawala ang galing mo, 'yung confidence mo lang ang nawala," dagdag pa niya. 

Kasalukuyang naninirahan sa Cebu si Jay-R kasama ang kanyang dalawang anak.