• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Award winning actor Allen Dizon considers ‘Mindanao’ movie with Judy Ann Santos a ‘milestone’ in his career

EXCLUSIVE: Award winning actor Allen Dizon considers ‘Mindanao’ movie with Judy Ann Santos a ‘milestone’ in his career

Walang problema kay Allen Dizon kahit hindi siya ang first choice para sa role.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/8/2019 11:21 AM
EXCLUSIVE: Award winning actor Allen Dizon considers ‘Mindanao’ movie with Judy Ann Santos a ‘milestone’ in his career


Matagal na proseso pala ang pinagdaanan ng multi-awarded actor na si Allen Dizon bago siya napili bilang leading man ni Judy Ann Santos sa pelikulang Mindanao na idinirek naman ni Brillante Mendoza.

Ayon sa production team ng Mindanao, puro mga sikat na aktor ang ikinonsider nila para sa role na napunta kay Allen pero hindi pumuwede ang mga ito.

“Ang balita ko marami talaga silang kinonsider for the role, pero wala namang problema sa akin kahit pang ilang choice pa ako. Ang importante ay sa akin napunta yung role,” simulang pahayag ni Allen sa PUSH.

Ang ilan sa mga napisil noon ni Direk Brillante to play Judy Ann’s husband sana ay sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Zanjoe Marudo at Dennis Trillo.

Dugtong ni Allen, “Hindi yata nag-swak yung schedule nila kaya hindi pumwede. Eh, nung mga panahon namang yon, katatapos ko lang ng isa pang pelikula kay Direk Dante – yung Alpha: The Right To Kill – kaya wala pa akong masyadong ginagawa.

Ang pelikulang Mindanao ay ipinalabas sa 24th Busan International Film Festival para sa Icon Section. Present sa festival si Allen at Judy Ann Santos.

“Honestly, first time kong napanood ang Mindanao at do’n pa sa Busan. Hindi ko napigilang mapaiyak dahil sobra akong naka-relate. Proud ako sa aming pelikula,” kuwento pa ng aktor.

Idinagdag din ni Allen na napakalaki ng pasasalamat niya na napasama siya sa Mindanao at nakatrabaho si Judy Ann Santos.

“Sobrang thankful ako sa opportunity na binigay ni Direk Dante na makatrabaho ko si Judy Ann. Ibang klaseng experience ang makasama ko siya sa pelikula. For me, isa itong milestone sa aking career bilang actor,” pag-amin ng magaling na aktor.

Bukod daw sa nakatrabaho niya ang Teleserye Queen, dream role din para sa kanya ang gumanap bilang sundalo.

“Yeah, it’s my dream role, ang maging sundalo, medyo demanding nga lang yung role physically and emotionally, pero kinaya ko naman. Physically demanding kasi kung ano yung ginagawa ng mga sundalo, kailangan ko ring gawin. And emotionally demanding din siya dahil bilang ama, wala akong magawa para sa mga anak ko dahil nagsisilbi ako para sa bayan,” paliwanag niya.

Patuloy ni Allen, “Sa pelikula kasi ipinakita ang sakripisyo na dinadanas ng magulang na may anak na may sakit na kanser. Hindi lang sila hirap sa buhay kundi nakikipaglaban din yung karakter ko sa giyera para sa bayan habang ang anak ko ay nakikipaglaban sa malubhang sakit at anuman oras ay puwedeng mamatay.

“Napakadali sa akin na makapasok sa eksena dahil sa totoong buhay ay meron akong apat na anak at lahat yon ay malalapit sa akin.”

Samantala, nataon din na habang nasa Busan ay nagdiwang na rin ng kanyang 42nd birthday si Allen.

Ano ang kanyang birthday wish?

“Simple lang naman ang wish ko – actually hindi para sa akin. Ang gusto ko lang ay mas maging closer kami ng family ko, yon lang,” sagot niya.

Pagkatapos ng Busan, pupunta namanang grupo ng team Mindanao sa Tokyo International Film Festival (TIFF) na nakatakdang gawin on October 28 hanggang November 6.