Naging isang malaking hamon para sa aktres na si Bela Padilla ang gampanan ang kanyang papel bilang military sniper sa pelikulang Mañanita.
Sa panayam ng ABS-CBN News sa Tokyo International Film Festival (TIFF) kung saan idinaos ang international premiere screening ng pelikula nitong Martes, ibinahagi ng Kapamilya star na nag-aral siya kung paano mag-assemble ng baril at umasinta para sa kanyang karakter.
"I had to learn how to shoot properly with rifles, I had to train sa camps so ang daming pinagdaanang proseso, physically, mentally," ani Bela.
"Marunong na akong mag-assemble ng rifle ngayon... lahat ng target na pinabaril nila sa'kin, bull's eye naman," dagdag niya.
Kasama ni Bela na dumalo sa red carpet ng TIFF ang direktor ng Mañanita na si Paul Soriano.
Bukod sa nasabing film festival, ipapalabas din ang pelikula sa Pilipinas bago magsimula ang Metro Manila Film Festival (MMFF).