• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Sam Mangubat, naniniwala na may tamang timing ang pagasali sa Tawag Ng Tanghalan

EXCLUSIVE: Sam Mangubat, naniniwala na may tamang timing ang pagasali sa Tawag Ng Tanghalan

Sam Mangubat, naniniwalang pinakamagaling na batch ang Tawag Ng Tanghalan season 3.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/3/2019 1:24 PM
EXCLUSIVE: Sam Mangubat, naniniwala na may tamang timing ang pagasali sa Tawag Ng Tanghalan


Aminado ang Tawag ng Tanghalan season 1 grand finalist na si Sam Mangubat na unang pagkakita pa lang niya kay Elaine Duran sa TNT stage ng It’s Showtime ay may pakiramdam siya na ito ang magiging grand champion.

“Nung sumalang palang si Elaine, naging favorite ko na siya. Parang si Janine (Berdin), nung nakita ko siya, sabi ko, eto na, siya na. So, nung narinig ko si Elaine siya na talaga, kasi iba talaga,very fresh yung dating niya,

“Actually, masasabi ko na yung season na ito ang pinakamagagaling. Nasa season na ito yung pinakamagagaling. Sabi ko nga, buti na lang nauna na ako,” natatawa niyang kuwento sa PUSH.

Naniniwala si Sam na may tamang timing ang pagsali sa TNT para makapasok sa grand finals tulad ng nangyari kay John Mark Saga.

“May mga chance kasi na kapag sumasali ka sa Tawag ng Tanghalan, minsan hindi right timing – minsan sa hurado or yung song choice. Kasi si John Mark, minsan talaga timing lang din tsaka suwertehan, sabi nga nila.

“Kasi ako, feeling ko talaga na 70 percent na suwerte ako kesa sa mas nabigay ko yung best ko kasi buti na lang nagkaroon ng kapit yung mga tao sa akin, na talagang naging all out yung support. Pero aminado ako na kung sa pagalingan ,hindi ako ganun kagaling kasi hindi naman po ako kontesero. Ang daming magagaling kesa sa akin,” very humble niyang pag-amin.

Nagpahayag din ng excitement si Sam sa mga susunod na season ng TNT.

Aniya, “Noon, pag pinapanood ko sila napapa-wow na lang ako, although nakaka-relate ako kasi alam ko yung pressure. Napapa-wow ako sa kanila kasi sabi ko,talagang ang gagaling nila. At saka hindi lang po yung mga judges ang natututo, yung mga tao rin, naghahanap sila ng bago na magaling talaga.

“May ganung effect ang Tawag ng Tanghalan na habang tumatagal yung tao, mas magaling pa dapat.”

Tatlong taon na ang nakakaraan pagkatapos maging grand finalist si Sam ng TNT and so far, masaya daw naman siya sa nangyari sa singing career niya.

“Sobra, kasi unang-una, ang dami kong raket na dumarating. Ako ngayon yung official singer ng Sandugo soundtrack, lahat yon nagmula sa TNT. Nag-open yung doors, nabigyan nila ako ng opportunity and sobrang thankful ako

“May mga friends nga ako, sinasabi ko sa kanila na sumali sila ng Tawag ng Tanghalan na kahit hindi sila manalo, may mga taong makakakita sa talent nila. At saka, ang maganda kasi sa TNT, bidang-bida yung defending champion, siya lang yung inaabangan, may ganun kang moment,” tsika pa ng TNT singer.

Anyway, kasama si Sam sa Las Islas Musik Festival na magaganap sa Bacolod Panaad Stadium (Oct. 25), Iloilo Barotac Nuevo Plaza (Oct. 26) at Aklan Sports Complex (Oct. 27).