• Home
  • Fresh Scoops
  • Atong Ang may payo sa magkakapatid na Barretto: ‘Suggestion ko lang tigilan niyo na’

Atong Ang may payo sa magkakapatid na Barretto: ‘Suggestion ko lang tigilan niyo na’

Ayon kay Atong Ang, hindi niya naging karelasyon ang magkapatid na sina Claudine at Gretchen Barretto.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

10/25/2019 8:42 AM
Atong Ang may payo sa magkakapatid na Barretto: ‘Suggestion ko lang tigilan niyo na’


Matapos magsalita ni Marjorie Barretto tungkol sa naganap na away sa burol ng kanyang ama na si Miguel Barretto noong bumisita ang kapatid na si Gretchen, nagpaunlak na ng panayam ang businessman na si Charlie “Atong” Ang.

Dawit ang pangalan ni Atong dahil siya umano ang dahilan ng tensyon ayon kay Marjorie. Ibinunyag ng dating aktres na ex-boyfriend siya ng kanilang pamangkin na si Nicole at inagaw umano siya ni Gretchen at kinalaunan ay naugnay din kay Claudine.

READ: Marjorie Barretto ibinunyag ang dahilan ng gulo ng kanilang pamilya

Muling nilinaw ni Atong na kasosyo niya sa negosyo Gretchen at partner nitong si Tonyboy Cojuangco at tinulungan lamang niya si Claudine sa isang personal na problema.

“Minsan talaga, hindi magkakasundo, eh. Pero wala akong masasabi sa pamilya niyan. Ayos ‘yan. Kung anuman ‘yung pinagsamahan namin ni Marichi, nila Nicole, sa akin na lang ‘yon. May kaniya-kaniya tayong buhay, so bakit natin kailangan i-expose ang buhay natin?” kwento nito.

“Unang-una, walang agawan, dahil hindi naman kami ni Gretchen,” paglinaw pa niya.

READ ALSO: Gretchen Barretto clarifies ‘nothing wrong’ with viral photo with Atong Ang

Nilinaw rin niyang nandoon lamang siya sa lamay dahil nakiusap lamang si Tonyboy na samahan si Gretchen.

“Si Gretchen kasi, malapit kay Presidente. Ang sabi, pupunta sa patay si Presidente. ‘Kung puwede, pumunta ka.’ Ang sabi sa akin ni Gretchen, ang sagot daw niya, ‘Pakisabi kay sir, huwag na po, kasi baka magkagulo lang.’”

“Tumawag sa akin si Tony. Sabi sa akin, ‘Pare, pakisamahan si Gretchen, baka mapaaway ‘yan doon.’ Iyon ang sabi sa akin ni Tony… Sabi ko, ‘Sige, samahan ko na lang.’ Kausap ko si Gretchen, ‘Sige, samahan na lang kita,’” kwento niya.

Ayon kay Atong, hindi binalaan ng kanyang pamilya sina Nicole. Nakiusap lamang umano sila kung pwedeng huwag na muna sila magkatagpo para makaiwas sa gulo.

Sinabi raw ni Nicole sa anak ni Atong na, “Paki sabi sa papa mo, for respeto, huwag na silang pumunta sa patay.”

“Unang-una, bakit hindi invited? Anak ‘to [si Gretchen]. Ang eksaktong sabi ko sa anak ko, ‘Paki sabi kay Nicole, pupunta lang naman kami doon para kay Presidente. Sasamahan ko si Gretchen. Baka magkagulo, kailangan ko samahan, sabi ni Tony.’”

“Ang in-advise ko, ‘Pakisabi na lang kay Nicole, kung ayaw nilang makita, huwag na lang sila magpakita. Pag-alis ni Presidente, aalis din kami, e.’ Iyon ang sinabi ko, iyon ang sinabi niya kay Nicole.

“Hindi ako nag-warning. Nagsabi lang ako na huwag na magkita-kita para huwag magkagulo.”

Taliwas sa kwento ni Marjorie na hahablutin na siya ni Atong, sinabi naman ng businessman na pinoprotektahan lamang niya si Presidente Rodrigo Duterte.

“Nakita ko, umiyak si Gretchen. Nagyakapan na ‘yung dalawa. Nag-iiyakan ‘yung dalawa. At least, nagkasundo,” kwento ni Atong nang magkaayos na sina Gretchen at kanyng inang si Estrella “Inday” Barretto.

“Inaalalayan ko, baka magsalpukan. Nakatayo ako, nakatingin lang ako sa kanila. Narinig ko, sumigaw si Marjorie. Nakita ko si Gretchen — narinig ko — sabi, ‘Sir, ako na ho, mas matanda ako, e.’ Sila ni Claudine ‘yung nagbanggaan. Hindi nakikialam si Gretchen.Ang ginawa ko, noong nakita kong nagkagulo, hinawakan ko si Claudine. Sabi ko, ‘Clau, tigil.’”

“Humarang akong gano’n. Sabi ko, ‘Respeto!’ Nakitingin ako sa mata niya. ‘Respeto kay Presidente,’ ang sinasabi ko. Dalawang beses ako nagsalita. Sabi ko, ‘Respeto!’

“Hinarang ko kamay ko, kasi mamaya may gumano’n na kamay, tamaan si Presidente, e. Si Presidente pinoproteksyunan ko at saka si Gretchen. Hinarang ko katawan ko. Sa totoo, ako tatamaan, e. Ako nga naitulak papasok, e.”

Sinabi rin niyang hindi siya nananakit ng babae.

“Kung sinabi mong hahablutin kita, matinong tao ako. Sa harap ng Presidente, mananakit ako ng babae? At saka hindi ako nananakit ng babae, wala sa ugali ko ‘yon. Paglingon ko naman sa kaliwa, sumusugod naman si Nicole, lumalapit. Pumihit na ako, lumapit ako kay Nicole, ta’s lumapit din ‘yung boyfriend niya,” aniya.

“Dumikit si Nicole sa akin… Sabi ko, ‘Nicole, please, nagkakagulo na. Please, labas na kayo.’ Hindi ako puwede magsinungaling. Andiyan si Presidente, andiyan ang PSG,” Ang said. “‘Yun lang ang naging papel ko. Tapos umatras na ako, tahimik na ako, sila na ang nag-uusap.”

Sinabi rin niyang walang rason para matakot si Marjorie sa kanya.

“Sa drama niyo, sa away niyo, wala akong pakialam diyan. Kung may dapat kang katakutan, I think ‘yung family ni Recom (Echiverri). Idineklara mong kabit ka, e. Dapat kang matakot, may mga anak ‘yon. Doon ka dapat matakot.

READ: Marjorie Barretto confirms Recom Echiverri has a child with her

“Sa akin, hindi kita kaano-ano, ni hindi ka nga na tsismis na girlfriend ko, so bakit kita sasaktan? Kung binulgar mo ako, huwag kang mag-alala. Sikat naman ako talaga. Ang daming nagbubulgar sa akin, kaya okay lang. Baliwala sa akin ‘yun. Hindi nga ako artista, talagang open ang buhay ko sa tao,

“Mahal ko ang pamilya ko. Tandaan niyo ‘to. Family man ako. Wala akong bisyo. Mahal ko asawa ko, mahal ko mga anak ko, nakikita ng mga tao kumakain kami lahat, lumalabas kami, very close kami. Hindi ko ipagpapalit kahit maski kaninong babae ang pamilya ko.”

Bandang huli ay nagbigay naman ng payo si Atong sa pamilya Barretto.

“Sa inyong mga Barretto, since naging parang family ko kayo, nilalahat ko na kayo: Namatay na ‘yung tatay niyo. Ngayon, nag-iisa na ang nanay niyo. Magtulong-tulong na lang kayo, magbigay kayo ng pera, buhayin niyo, pilitin niyong maka-survive ang nanay niyo.

“Kaming magkakapatid, hindi kami magkakasundo, pero hindi kami naggaganiyanan. Pabayaan niyong lumabas ang nanay niyo sa isang side, pabayaan niyo ‘yung kabila. Huwag kayo magsiraan.

READ ALSO: Claudine Barretto explains side in family conflict

“Kung ako kayo, magkabati-bati na kayo. Tutal, ang media naman natutuwa lang pag nagkakagulo kayo, e. Anyway, nakakatulong naman kayo, nagkakaroon ng libangan ang mga tao. Kung gusto niyo ituloy ‘yan, mga artista naman kayo, ituloy niyo. Pero suggestion ko lang, tigilan niyo na.”

Sinabi rin niyang mas mabuting tumahimik na sila dahil may career din na dapat proteksyunan sina Marjorie at ang tinutukoy niya ay si Julia Barretto.

“Nabababoy ‘yung mga anak… Tingnan mo, ikaw Marjorie, nasisira tuloy ‘yung mga anak mo. May career pa naman ‘yung anak mo. Itago niyo na ‘yung mga ganiyan, nasisira, e,

“Hindi naman kayo sisikat, Marjorie o Gretchen, kung mag-aaway kayo. Pareho naman kayong hindi na nag-aartista. Stop na ‘yan. Alagaan niyo na lang ‘yung family niyo.”