• Home
  • Fresh Scoops
  • Ariel Villasanta, may mensahe sa dating ka-tandem na si Maverick Relova

Ariel Villasanta, may mensahe sa dating ka-tandem na si Maverick Relova

Pelikula ni Ariel Villasanta, ipapalabas na. Inamin din ni Ariel na nasaktan ang dating comedy partner na si Maverick Relova sa nangyari sa showbiz career nila noon.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/25/2019 3:40 PM
Ariel Villasanta, may mensahe sa dating ka-tandem na si Maverick Relova


Aminado ang komedyanteng si Ariel Villasanta na lumapit siya sa kung sinu-sinong artista at celebrities para lang matapos niya ang pelikulang Kings of Reality Shows na almost 10 years na in the making.

Ayon sa kuwento niya, nilapitan niya para hinigian ng tulong sina Eddie Garcia, Vice Ganda, Maine Mendoza, Coco Martin, Sen. Manny Pacquiao at marami pang iba.

“Si Coco Martin nag-cameo din siya, kaya nga naisali rin ako sa Ang Probinsyano. Aksidente lang yon, kasi lumapit lang ako sa kanya para mag-cameo role, tapos sabi niya, ‘may bagay (na-role) sa ‘yo dito,'” kuwento pa ni Ariel.

Three weeks din daw siyang tumagal sa Ang Probinsyano. “Hindi ko binayaran si Coco, pero binigyan ko naman siya ng atsara,” natatawa niyang hirit. "Mabait rin talaga si Coco. At saka si Coco naman kasi tumutulong sa mga struggling artists na kagaya ko.”

Na-i-sangla rin ni Ariel ang kanyang tinitirahang bahay sa Provident Village sa Marikina City para may pantustos sa gastos sa pelikulang ginagawa.

“Kasi ayoko naman na i-asa ang lahat sa mga tumulong. Sen. Pacquiao malaki ang naitulong, pero kailangan ko rin siyempre ng kumilos. Kaya nga sana tulungan ninyo ako dito [sa pelikula] para matubos ko yung bahay ko.”

“Sa tao ko lang naman isinangla kasi ayaw ng tanggapin sa banko kasi nga lumulubog yung lugar. Pag hindi ko yon natubos, wala na, sa tent na lang ako titira. Kawawa naman ako,” seryosong lahad ni Ariel.

Pahabol pa niya, “Ayoko kasi yung regret. Ayoko na nasa wheelchair ka na, sasabihin mo na, bakit hindi mo sinubukan? Eh, ito kung matalo man, ang importante nagawa ko.”

Solong humarap si Ariel sa presscon ng Kings of Reality Shows kaya hindi maiwasanang hanapin ng media ang comedy partner niyang si Maverick Relova. Nasaan na nga ba ito ngayon?

“Si Maverick, medyo nasaktan siya, eh. Nasaktan siya talaga doon sa nangyari sa amin,” na ang tinutukoy ni Maverick ay ang naging epekto ng biglang pagsadsad ng kanilang showbiz career noon.

“So, yung partner ko, kasi ako, may day job ako, eh. Yung partner ko talagang wala, eh. Eh, siyempre, alam ninyo, pag nag-aartista, minsan naiiba yung lifestyle, biglang medyo… nasaktan siya."

“It’s either nag-business na lang siya, may nagsasabing nag-drugs... hindi ho nag-drugs si Maverick. Puwedeng na-depress, puwedeng lumayo na lang, lumayo na lang sa ating lahat. Pati ako, hindi na ako kinakausap. Lumayo na lang siya sa ating lahat. Puwedeng naging ispiritwal,” tuluy-tuloy pa niyang kuwento.

Eh, ano naman ang message niya sa kaibigan?

“Kay Maverick, basta sana, kung anuman ang nangyari, kung naudlot na, kung anuman yung naudlot, kung anuman yung nangyari... sana, yung pagkakaibigan, eh, nandiyan pa rin.

“Alam ninyo, itong mga nangyayaring ito, lilipas lahat ito, eh, yung mga kung anumang mga materyal na ito, kung nasa limelight ka, sikat ka,  lilipas iyan, eh. Nakikita natin lahat ito pero sa akin, sana sa pagkakaibigan, nandiyan lagi.”

Naging “Jack of all trades” si Ariel being the producer, director, lead actor, editor, writer, sales, marketing at creatives ng pelikulang Ang Kings of Reality Shows. The film, showing on November 27 in cinemas, is produced by Lion’s Faith Production.