Aga Muhlach, aminadong naging pasaway noon

Sinabi ni Aga na matinding problema ang binigay niya sa kanyang manager dahil sa pagiging pasaway niya noong kasagsagan ng kanyang career.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/21/2019 9:58 AM
Aga Muhlach, aminadong naging pasaway noon


Sa mediacon ng pelikulang "Nuuk" ng Viva Films na pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Alice Dixson ay hindi maiwasang aminin ng aktor kung gaano siya naging pasaway noon during his “rebel days.”

Matindi raw ang problemang ibinigay niya noon sa manager na si Ethel Ramos dahil kadalasan ay late siyang dumarating sa shooting at uma-attend sa presscon tapos tatakas din agad.

Pagtatapat ni Aga, “I had those times -- mga ’86, ’87, ’88, ’89.  ‘Yon ‘yung mga panahon na kasama ko siya (Alice), ‘yun ‘yung mga panahong ligaw na ligaw ako no’n.

“Na para bang darating ako sa shooting nu’n dahil kailangang dumating. So, ‘yon ‘yung mga panahong, nasa set na lang, hindi ako dumarating. Sa presscon, hindi ako dumarating.”

Aware din daw siya na alam ng ibang entertainment press ang kanyang mga kalokohan noon.

“Yung iba rito, alam ‘yan. Si Miss Ethelwoda Ramos, alam niya ‘yan. Darating ako sa presscon, pilit na pilit, tapos sasabihin, ‘dumating ka pa!’ Tapos naka-shorts lang ako, naka-rubber shoes.

“Tapos 10 minutes sa presscon, lalayas ako, biglang lalakad na lang ako. ‘Yon ‘yung mga panahong kasama ko siya,” natatawang pagbabalik-tanaw ni Aga na natatawa.

Pero siyempre, napakalaki na raw ng ipinagbago niya nitong mga nagdaang taon. In fact, sa presscon ng "Nuuk" ay maaga na siyang dumating pero nauna pa rin sa kanya ang leading lady niyang si Alice.

Tanong ng press kay Aga, niligawan ba niya si Alice noong nakatrabaho niya ito sa Regal Films?

“Parang hindi naman ligaw, eh, kasi parang lahat naman sa akin dati, di ba? Parang normal naman siguro na…  Hindi naman sa chickboy ka, pero lahat ng lalaki, gusto, babae,” lahad ng aktor.

Pero aminado si Morning (tawag din kay Aga) na talagang nagandahan siya noon kay Alice na nakasama niya sa mga pelikulang "Sinungaling Mong Puso","Hot Summer" at "Joey Boy Munti: 15 Anyos Ka sa Muntinlupa."

“Parang ganu’n. Nagagandahan ka, di ba? Parang “papaano ba ako manliligaw?” Parang ganu’n, eh. Pero wala naman.

“Buwisit nga siya sa akin no’n, eh. Galit pala siya sa akin no’n. Ang tingin pala niya sa akin, mayabang,” kuwento pa ng aktor.

Samantala, aminado naman si Alice na nung simula pa lang na makasama niya si Aga sa pelikula ay nakita na niya ang galing nito bilang aktor.

“Aga has always been a great actor so humahabol ako. I’m trying to meet everybody’s expectation,” sambit naman ng dating beauty queen.

Ang "Nuuk," na idinirek ni Veronica Velasco, ay showing na on Nov. 6. Ang pelikula ay kinunan sa Nuuk, Greenland na super-lamig at naka-lock-in sila doon ng 21 days.

Ayon pa kina Aga at Alice, sobrang hirap ang kanilang dinanas sa shooting dahil nga sa sobrang lamig lalo na pag outdoor ang mga kinukuhang eksena.

“But it’s all worth it at mararamdaman nila yon kapag pinanood ang pelikula,” sey pa ni Aga.