• Home
  • Fresh Scoops
  • Asawa ni Matt Evans, nawalan ng halos P6 milyon dahil sa scammer

Asawa ni Matt Evans, nawalan ng halos P6 milyon dahil sa scammer

Matt Evans, umaasang matatapos na ang kasong naisampa laban sa nang-scam sa kanyang asawa

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

10/2/2019 8:16 AM
Asawa ni Matt Evans, nawalan ng halos P6 milyon dahil sa scammer


Photo credit: @matt3vans IG

Pinipili ngayon ni Matt Evans na maging positibo at umaasang matapos na ang kasong isinampa niya at ng kanyang asawang si Katrina Farinas laban sa isang scammer na tumangay ng halos P6 milyon mula sa negosyo ni Katrina.

Sa kanyang panayam sa ABS-CBN News,  ikinuwento ng aktor na may tatlong taon na raw ang nakalipas mula nang manakaw ang ilang designer bags at iba pang luxury items na ibinebenta ng kanyang asawa at hanggang ngayon ay ‘recovering’ pa lamang sila.

"Hanggang ngayon, rume-recover pa rin kasi malaki po talaga e. Pero awa ng Diyos, may tumutulong sa aming mga tao, so nakakaluwag-luwag. Pero siyempre kung ano ang hiniram mo kailangan mo talagang ibalik, ganun talaga, so may mga interest kami na binabayaran," ani Matt.

Hindi rin daw maiwasan sa kanilang mag-asawa ang magsisihan noong panahong iyon ngunit ipinagpasa-Diyos na lamang nila ang nangyari.

"Sa umpisa, may ganun na scenario talaga, pero malalagpasan at malalagpasan talaga. Noong umpisa hindi mo masisisi, kumbaga bakit ka nagbigay, bakit ganito, bakit ka nagtiwala ka agad. So parang sa amin lang andyan na 'yan e, pinagpasa-Diyos mo na, pero kailangan mo pa rin kumilos,” kwento ng aktor.

Nakiusap naman si Matt sa nanloko sa kanila na huwag na silang pahirapan pa.

"Huwag na sana niya kami pahirapan, mag-settle na lang siya kung ano ang kaya. Kasi doon naman din aabot 'to kahit pahabain mo pa, 'di ba? Settlement din naman aabot. Kung ano ang kaya mo salubong na lang, ganun rin naman e. Pagtrabahuhan na lang lahat.”