Hindi nagdalawang isip na bilhin ni Yasmien Kurdi ang painting na nilikha ng isang preso mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang mapondohan ang piyansa ng kapwa nitong bilanggo.
Sa kanyang Instagram post nitong Lunes, sinabi ng aktres na napansin niya ang dami ng paintings at iba pang artworks na gawa ng BJMP inmates sa Tagaytay habang nagte-taping ito para sa isang serye.
"'Yun pala, kapag naka-bili ka daw ng isang art piece na gawa ng mga preso, makakalaya ang isang tao dahil may pang piyansa na siya," ani Yasmien.
Ayon kay Yasmien, walang paglagyan ang kanyang saya matapos makatulong na mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang nasabing bilanggo, na katulad niya ay isa ring ina.
"Ang saya at nakakaiyak 'yung feeling ko ngayon na alam kong makakapagpalaya ako ng tao... Ang saya po talaga ng pakiramdam ko ngayon. Sa pintor... ang ganda ng gawa niyo," dagdag niya.