• Home
  • Fresh Scoops
  • Juliana Parizcova Segovia, ikinuwento kung saan napunta ang P1 milyon niyang premyo

Juliana Parizcova Segovia, ikinuwento kung saan napunta ang P1 milyon niyang premyo

Laging nakatatak sa isip ng unang Miss Q&A winner na si Juliana Parizcova Segovia ang bilin ni Vice Ganda sa kanya.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

10/16/2019 10:17 AM
Juliana Parizcova Segovia, ikinuwento kung saan napunta ang P1 milyon niyang premyo


Photo credit: @juliana_parizcova IG

Isang taon bago mula nang maitanghal bilang kauna-unahang grand winner sa Miss Q&A ng It’s Showtime ay muling binalikan ni Juliana Parizcova Segovia ang naging pagbabago sa buhay niya.

"Unang una sa pamilya, siguro malaki talaga 'yung pinagbago niya kasi after winning Miss Q & A or kahit na hindi pa nag-grand finals and Miss Q and A at hall of famer pa lang ako, ang dami ng blessings na dumarating," kwento ni Juliana sa Magandang Buhay.

"Hindi pa ako grand winner, mayroon na akong 'Funny Ka Pare Ko' so parang sa pamilya, ang laking blessing na noon kasi financially hindi na kami ganun ka-struggle,” dagdag pa niya.

Ikinuwento rin ni Juliana na naubos na ang isang milyon niyang premyo mula sa Miss Q&A.

"Ubos na siya! Tulad nga nang sinabi mo akin dati Momshie Karla, ang P1 million mabilis lang 'yan maubos, lalo na kung galing ka sa walang wala. So ang nangyari sa akin sa P1 million ko, hindi ako nagsisi na naubos siya kasi naubos siya pero iba 'yung magiging kuwento ko someday na 'ito o tatlo na TV namin, 'yung P1 million ko may malamig na kaming tubig sa ref," lahad niya.

Sa kabila nito, todo kayod pa rin si Juliana para sa kanyang pamilya.

"Parang darating sa punto ng buhay mo na kahit isang araw ay relax na ako, parang sinong mag-aakala na dating kalat-kalat sa kalye, ngayon nakikita na sa TV, na-relax ako ng one day pero gigising ka na ito na paubos nanaman siya.”

Sa ngayon ay kabilang pa rin sa top-rating teleseryeng FPJ’ Ang Probinsyano si Juliana at sinabing parati niyang inaalala ang payo sa kanya ni Vice Ganda.

"Lagi niya sinasabi sa akin na sa bawat gagawin mo, na kahit isa lang ang linya mo sa isang kunwari pelikula, teleserye, bitawan mo siya ng pinaka the best na bitaw. 'Yung ibigay mo lagi lahat, araw-araw, minu-minuto, maraming pwedeng mangyari," aniya.

"Kumbaga, lagi ko tinatatak sa isip ko na, tama si Meme Vice na kailangan mo lang lagi na pag-igihan.”