Hindi maitago ng singer na si Jed Madela ang kaniyang dismaya nang ibahagi ang pagsasabotahe umano ng kanyang nakaraang concert sa Amerika.
Sa panayam ng Bandila nitong Biyernes, ikinalungkot ng 'Tawag ng Tanghalan' judge ang umano'y paninira sa kanya matapos pagtatanggalin ang posters ng nasabing concert sa Amerika.
"Siraan para hindi maging aware 'yung tao na may concert ako," aniya. "Tatakpan nila, tatanggalin nila 'yung poster. Sabotahe talaga."
Ayon kay Jed, ang mas nakakalungkot pa ay "kapwa Pilipino" niya umano ang nagsabotahe sa kanya.
"It's sad kasi kapwa Pilipino. Tsaka it's more sad kasi nakita nila, nagpa-picture pa sila sa akin," dagdag niya.
Matapos ang insidente, hiling ni Jed na patuloy na suportahan ng publiko ang mga concert ng local artist kagaya niya, kabilang na ang upcoming show nila ni Vina Morales sa Nobyembre.