• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Mark Anthony Fernandez, ire-remake ang pelikula ng yumaong amang si Rudy Fernandez

EXCLUSIVE: Mark Anthony Fernandez, ire-remake ang pelikula ng yumaong amang si Rudy Fernandez

Naghahanda na si Mark Anthony Fernandez para i-remake ang mga pelikula ng kanyang ama.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/1/2019 10:51 AM
EXCLUSIVE: Mark Anthony Fernandez, ire-remake ang pelikula ng yumaong amang si Rudy Fernandez


Photo credit: @tj_trinidad IG

Ayon kay Mark Anthony Fernandez, hindi pa raw niya nagagamit ang full potential niya bilang isang aktor kaya gusto pa niyang makagawa ng maraming makabuluhang pelikula.

“Pakiramdam ko hindi ko pa talaga naabot yung peak ng pagiging artista o bilang aktor ko. Gusto ko pang mas may marating kasi dito naman na ako lumaki, ito yung pinag-aralan ko,” pagtatapat ni Mark Anthony sa interview ng PUSH.

Kahit sumikat nang husto noon ang grupo nilang Gwapings (with Eric Fructouso and Jomari Yllana), ani Mark, ay hindi raw naman masasabing na-achieve niya ang goal niya as an actor.

“Hindi pa, pakiramdam ko hindi pa,” wika niya. “At sa tingin ko wala namang age limit. Tapos makikita naman natin, may FPJ, may Dolphy, kumbaga, tumanda po sila sa industriya, yung erpat ko din po. So ako, kumbaga, kailangan ko lang isang magandang proyekto na magugustuhan ng publiko.

“Yung Gwapings day, oo malakas yung appeal, pero movie-wise, dalawa lang po yung nagawa naming pelikula, eh. So, sa tingin ko, hindi pa talaga ako nakakagawa ng maraming magagandang projects.

“Ang pinakamagandang pelikula na nagawa ko lang or yung naging hit movie ko siguro mga tatlo pa lang siguro, so feeling ko kulang pa yung mga nagawa kong makabuluhang proyekto,” kuwento ni Mark.

Ibinalita rin ni Mark sa PUSH na nagbabalak ang Viva Films na i-remake ang ilang pelikula ng tatay niyang si Rudy Fernandez at posibleng siya raw ang magbida rito.

“Totoo po yon. Actually, yon yung dapat gagawin namin agad. Pero sinabi ko, sandali lang, kasi hindi pa ako ready nung time na yon kasi nagpapapayat pa ako. Kaya isinama muna ako ni Boss Vic (del Rosario) sa Miracle in Cell No. 7. So sana, pagkatapos noon ay matuloy na yung isang remake ng Rudy Fernandez movie,” lahad pa niya.

Eh, ano ba ang pinakagusto niyang pelikula ng daddy niya na gusto niya ring i-remake? “Pinakapaborito kong movie niya yung Lumuhod Ka Sa Lupa – Eddie Garia, Jackie Lou Blanco, Ricky Davao. May Markang Bungo din siya, Bingbong Crisologo, ang dami,” sagot ng aktor.

Biglang paghahanda ay inaayos ngayon ni Mark ang kanyang sarili. Ito raw ang una niyang ginawa pagkatapos niyang lumabas ng kulungan.

“Ako kasi, ang paniwala ko, hindi nagwo-work para sa akin kapag kunyari, wala ako sa tamang weight ko. Feeling ko hindi bagay sa akin ang isang project kapag iba yung weight ko, yon yung dilemma ko.

“Kaya ngayon, talagang focus muna ako sa pagpapapayat, pero hindi naman yung payat na payat, yung tama lang, at saka sa pagiging health conscious,” pahayag ulit ni Mark sa PUSH.