• Home
  • Fresh Scoops
  • Martin Del Rosario, damang dama ang karakter ni Barbs sa ‘Born Beautiful’

Martin Del Rosario, damang dama ang karakter ni Barbs sa ‘Born Beautiful’

Mas naintindihan din umano ni Martin ang buhay ng isang LGBT dahil sa kanyang pagganap sa ‘Born Beautiful.’

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

1/28/2019 4:17 PM
Martin Del Rosario, damang dama ang karakter ni Barbs sa ‘Born Beautiful’


Photo credit: @martinmiguelmdelrosario on IG (R)

Labis na pasasalamat  ang ipinaabot ng aktor na si Martin Del Rosario sa mainit na naging suporta sa kanyang pelikula na Born Beautiful.

Matatandaan na Del Rosario ang napiling pumalit sa aktor na si Christian Bables sa papel na Barbs na mas nakilala sa 2016 Metro Manila Film Festival movie na Die Beautiful na pinagbidahan ni Paolo Ballesteros.

“Worth it lahat ng paghihirap at sacrifices parang lahat nag pay-off na,” ani Martin sa panayam ng PUSH at ilang miyembro ng entertainment press sa naganap na unang taon ng The Skin Bureau nitong Sabado ng gabi.

Pinasalamatan din ni Martin ang mga pumuri sa kanyang acting sa role ni Barbs at sinasabing Best Actor material siya.

“Nakakatuwa na ganun ang reaction ng mga tao, for Best Actor nga daw, Pero ako ni walang expectations naman, basta ako binigay ko po ‘yung 100 percent ko dito,” tugon pa niya.

Sa pagganap naman ng aktor bilang si Barbs, inamin niya na ramdam niya ang naging paghihirap ng kanyang karakter sa pelikula.

“Five months ko na shoot yun e, so talagang masasabi ko na para akong naging si Barbs talaga. Ang tagal e, kasi ‘di ba dapat series siya e pero naging movie siya. So talagang damang- dama ko siya talaga, na parang nakatapak ako sa shoes ni Barbs,” sabi pa ni Martin.

“So kung dati ni-rerespect ko na ang LGBTQ, ngayon mas naiintindihan ko pa ang paghihirap na ginagawa nila. Physically, ang magpaganda, ‘yung different kinds of relationship na meron pala ang LGBT and kung bakit kailangan natin i-celebrate ang buhay ng LGBT,” patuloy pa niya.

Sa huli, sinigurado ni Martin na masusundan pa kanyang papel bilang si Barbs.

“Of course meron pa, kasi natapos na namin ang episodes 1 to 12 so definitely may kasunod siya,” pahayag pa ng aktor.

Patuloy pa din na mapapanood sa mga sinehan ang Born Beautiful sa direksyon ni Perci Intalan.