• Home
  • Fresh Scoops
  • Kapamilya stars, katuwang ng NCCA para sa National Arts Month

Kapamilya stars, katuwang ng NCCA para sa National Arts Month

Bagong tungkulin ngayon ang haharapin ng ilang Kapamilya stars bilang kawani ng sining.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

1/23/2019 10:35 AM
Kapamilya stars, katuwang ng NCCA para sa National Arts Month


Ipinakilala bilang mga katuwang ng National Commission for Culture and The Arts (NCAA) ang ilang Kapamilya stars na sina KZ Tandingan, Ian Veneracion, at Pia Wurtzbach.

Bahagi ang Kapamilya stars ng paglulunsad ng NCAA sa National Arts Month na gaganapin ngayong darating na Pebrero.

Mainit din na sinalubong ang Kapamilya stars ng mga kawani ng NCCA sa pangunguna ni NCCA Associate Secretary Marie Rafael at Rico Pableo Jr.

Taos puso naman na tinanggap ng Kapamilya Stars ang bagong tungkulin na ipinagkaloob sa kanila ng NCCA.

“Anak po ako ng isang pintor at lagi niyang sinasabi na ‘you cannot avoid art’ and he’s right. I grew up surrounded by art and nakakatuwa na habang tumatagal, mas lalong lumalawak ang kahulugan nga arts para sa Pilipinas,” ani Ian sa press.

Nakita naman na bagong plataporma ng singer-songwriter na si KZ Tandingan ang bagong tungkulin para maipalaganap pa lalo ang sining sa bagong henerasyon.

“Isa talaga sa ipinaglalaban ko ang i-represent ang Filipino talents hindi lang dito kundi sa ibang parte ng mundo,” sabi ni KZ.

Kaya naman, labis na pasasalamat ang ipinaabot ni KZ para sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya.

“Sobrang thankful lang po ako talaga na ngayon may mas maganda akong platform para ipagsigawan ko pa sa buong mundo ang adbokasiya ko na iyon, at sana marami pang bata na ma-inspire na ang culture and arts ay in pa din,” masayang sabi ni KZ.

Si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, kahit na hindi na suot ang korona ay patuloy pa din na isinasapuso ang adbokasiya ng isang beauty queen.

“Tuwing nahaharap po kami sa mga banyaga, parang mga ambassador na din po kami at representative po kami ng Philippines kahit saan pa po kami mag punta sa mundo,” ani Pia.

Hiling din ng dating Miss Universe na, isapuso sa simpleng paraan ang pagpapayaman ng sining ng Pilipinas.

“Sana hindi lang po mga beauty queen at mga artista, sana tayong lahat kahit na walang nakakakita sa ‘yo at laging may nanunuod sa ‘yo sana lagi natin isipin na in some way mayroon tayong suot na sash ng Philippines,” pahayag pa ni Pia.

Bukod kay Ian Veneracion, KZ Tandingan at Pia Wurtzbach, bahagi din si Boy Abunda at Heart Evangelista sa mga makakatulong ng NCCA sa kanilang adbokasiya