• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Bakit hindi naghahanap ng lead role si Richard Quan?

EXCLUSIVE: Bakit hindi naghahanap ng lead role si Richard Quan?

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/8/2018 11:35 AM
EXCLUSIVE: Bakit hindi naghahanap ng lead role si Richard Quan?


Photo credits: @richardmquan IG

 

Bihirang magpainterbyu ang aktor na si Richard Quan at very seldom din siyang umatend ng presscon ng pelikula or TV show. Pero sa presscon na ToFarm Film Festival para ipakilala sa media ang cast at direktor ng mga pelikulang kasali ay present ang aktor.
 
“As you age, sabi ko, naniniwala na ako na responsibilidad ng aktor to promote the film, di ba? So, may ganyang effort na ako kahit papaano na as much as possible na tumulong sa pagpo-promote. Pero so many times, hindi ako komportable when it comes sa ganitong situation.
 
“Kaya bihira akong maglalalabas at hindi mo ako makikita sa ibang showbiz events. Lalabas lang ako usually pag manonood ako ng sine, magko-coffee, makikipagkuwentuhan,” bulalas ni Richard sa PUSH.
 
Kasama si Richard sa cast ng historical drama titled 1957 na pinagbibidahan ni Ronwaldo Martin at idinirek naman ni Hubert Tibi.
 
Kahit bihirang maging lead actor at kadalasay support lang sa mga pelikula ay masaya naman si Richard sa takbo ng kanyang career.
 
Ani Richard, “Oo naman. Kasi di ba, ang dami kong ka-batch, wala na sa industriya di ba? I’m so blessed and fortunate at nagpapasalamat sa industriya na hanggang ngayon nandito pa rin ako.”
 
Hindi rin daw niya inambisyong sumikat at magbida sa pelikula kahit nung nagsisimula pa lang siya bilang aktor.
 
“I think, malaking factor na nag-start ako sa career ko na hindi ko talaga in-aim yung pagiging lead. Unconsciously, nung mag-start ako, I’m always drawn sa mga karakter na interesting, be it lead or hindi lead.
 
“I think, do’n ako, eh. Never pumasok sa isip ko na gusto kong sumikat. Hindi ko kayang i-handle yon. I don’t think maha-handle ko ang pagiging sikat or yung pagiging famous, hindi ko kakayanin. Medyo low profile ako lagi, eh.
 
“At saka hindi rin naman talaga ako nag-effort na… Baka kahit nag-effort ako, baka yon lang naman ang kayang marating ng itsura ko at ng kapasidad ko,” paliwanag ng magaling na aktor.
 
Hindi ba siya naniniwala na pang-lead actor siya?
 
“I think, ako naniniwala ako na ang lead actor hindi lahat puwede. Kasi for you to be lead actor, may kasamang ano yan, business side, eh. Dapat kumita ang pelikula mo at hindi puwedeng isa o dalawang pelikula mo lang ang kikita otherwise hindi masu-sustain yung pagiging lead actor mo, di ba?
 
“I think it’s a gift na hindi lahat puwedeng maging lead. Kahit pilitin mo, hindi ka puwede. Pero minsan, kahit walang effort, alam mo at nakikita mo, di ba, tinatangkilik kaagad ng masa,” katwiran ni Richard.
 
Patuloy ng aktor, “Palagay ko wala ako do’n. Siguro I can be a lead at some passion project pero to lead at ma-sustain na kumita yung mga pelikula ko, I don’t think so. Kaya believe ako sa galing nina Derek Ramsay, John Lloyd Cruz, di ba?”
 
Eh, ano naman ang masasabi niya kapag tinatawag siyang underrated actor?
 
“With all humility, ilang beses kong narinig yang underrated na yan, hindi lang sa ‘yo, marami na, even Direk Mike de Leon.
 
“Ano reaksyon ko? Hindi ko alam. Ang akin, you give me a role and then I’ll do my best. I’ll do everything na sa palagay ko will give justice to the role. Ganun ka-basic lang sa akin.
 
“Kasi yung proseso mismo, you’re getting into the character mula pagbasa mo ng script to the finished product, yon lang inner joy mo na yon, eh. Kung naniniwala sila na underrated actor ako, happy na ako don. Okey na sa akin yon,” simple niyang pahayag.
 
Magsisimula ang 3rd ToFarm Film Festival sa September 10 at magkakaroon ng awards night on September 15.