• Home
  • Fresh Scoops
  • Basil Valdez, Freddie Aguilar at Imelda Papin pararangalan ng PMPC Star Awards For Music

Basil Valdez, Freddie Aguilar at Imelda Papin pararangalan ng PMPC Star Awards For Music

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/8/2018 11:25 AM
Basil Valdez, Freddie Aguilar at Imelda Papin pararangalan ng PMPC Star Awards For Music


Photo credits to the owners

 

Magiging star-studded ang PMPC Star Awards For Music: A Decade Of OPM Excellence na gaganapain ngayong Linggo, September 9, sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.
 
Ngayong taon, sabay na ipagkakaloob ng PMPC ang mga karangalan para sa 9th (2017) at 10th (2018) Star Awards For Music bilang pagdiriwang sa isang dekada nitong pagbibigay halaga sa industriya ng musika.
 
Magsisilbing hosts sina Kim Chiu, Xian Lim, Christian Bautista, Aljur Abrenica at Karylle.
 
At dahil ito ay selebrasyon ng isang dekadang pagbibigay-pugay sa mga natatanging alagad ng musika, magiging mabituin ang gabi.
 
Sa opening number, magtatanghal ang cast ng Ang Huling El Bimbo na sina Tanya Manalang, Reb Atadero, Topper Fabregas at Boo Gabunada, aawitin nila ang “Alapaap.”
 
Kasama ang PHD Dancers, aawitin ni Inigo Pascual ang “Dahil Sa ‘Yo,” si Gloc 9 ay magpapasiklab sa “Hoy” at maghahandog naman ng Compilation Revival Medley ng mga awiting “Hawak Kamay,” “Ikaw Yun,” “Hindi Na Ba,” “Maalaala Mo Kaya”, at “Handog” sina Brenan Espartinez, Laarni Lozada, Renz Verano, Jojo Mendrez, at Sabrina.
 
Aapoy ang dance floor sa sing and dance production number ng Hashtags, si James Reid ay makikipagsabayan sa PHD Dancers sa kanyang “Cool Down” at hahataw sa kanyang dance exhibition si Regine Tolentino kasama ang kanyang dancers.
 
Ang grupong Ex Battalion, kasama sina Neil Perez, Ion Perez, Zachzna at Chic Ser ay magpapasikat sa “Hayaan Mo Sila” at “Follow My Lead,” samantalang ang The Company with dancers ay ihahandog ang “Head Over Heels.”
 
Maghahandog ng medley of songs ang mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragosa; at si Concert King Martin Nievera ay paiibigin tayo sa kanyang spot number.
 
Para sa tribute sa dating member ng Hotdog na si Rene Garcia, na sumakabilang-buhay na, mag-aalay ng Hotdog/VST & Company medley ang grupong Clique 5, John Roa, JV Decena, Joaquin Garcia, Nick Vera Perez at Allen Cecilio.
 
Bilang pagpaparangal kina Feddie Aguilar (2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee), Imelda Papin (2017 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee). at Basil Valdez (2018 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee), magbibigay-pugay sa kanila sina Kris Lawrence, Morissette Amon, at Jed Madela. Aawitin ng mga ito ang mga kantang pinasikat ng tatlo, “Anak,” “Isang Linggong Pag-ibig” at “Ngayon At Kailanman.”
 
Para sa 2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee na si Mr. Pure Energy Gary Valenciano, magbibigay-tribute sina Martin Nievera, Christian Bautista at Erik Santos para sa mga awiting “Narito,” “Could You Be Messiah,” “The Warrior Is A Child,” ‘Take Me Out Of The Dark”, at “Sana Maulit Muli.”
 
Ang PMPC Star Awards for Music ay mula sa pamunuan ng kasalukyang pangulong Joe Barrameda, mga opisyales at miyembro, at ito ay mula sa produksyon ng Airtime Marketing Philippines ni Tess Celestino-Howard at sa direksyon ni Bert de Leon.
 
Mapapanood ang kabuuan ng show sa September 23 sa ABS-CBN’s Sunday’s Best, pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.