• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: ‘Bakwit Boys’ lead actor Vance Larena, handang tumanggap ng mga daring roles

EXCLUSIVE: ‘Bakwit Boys’ lead actor Vance Larena, handang tumanggap ng mga daring roles

‘Bakwit Boys’ lead actor Vance Larena on doing frontal and man-to-man kissing sa pelikula: ‘Lahat po yon nagwa ko na sa teatro’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/2/2018 12:02 PM
EXCLUSIVE: ‘Bakwit Boys’ lead actor Vance Larena, handang tumanggap ng mga daring roles


 

Napansin agad ng moviegoers pati ng mga kritiko ang galing sa pag-arte ng stage actor na si Vance Larena na bumida sa Bakwit Boys ng T-Rex Productions na ipinalabas sa nakaraang Pista ng Pelikulang Pilipino.

Ginampanan ni Vance ang role ni Kuya Elias, ang panganay sa apat na magkakapatid na nag-evacuate mula sa isang small town sa Isabela dahil sa matinding pananalasa ng bagyo at lumipat sa probinsya ng lolo nila sa Pampanga.

“Parang nabunutan po ng tinik, kasi nung una nangangamba po ako kung matatanggap po ako ng industriya, pero sa nakikita ko po ngayon, very thankful ako na maganda po yung nagiging reception po ng mga tao,” lahad ni Vance sa PUSH na halatang very overwhelmed pa rin sa mga papuri sa kanyang pagganap sa pelikula ni Direk Jason Paul Laxamana.

Inusisa din namin kay Vance kung totoo ang balitang ipinahanap siya ng premyadong lady director/TV executive ng ABS-CBN after nitong mabalitaan kung gaano siya kahusay sa Bakwit Boys.

“Madami pong inquiries. Bigla akong nagkaroon ng mga TV guestings. Meron po ako sa Ipaglaban Mo, ganun lang po,” ang tila umiiwas niyang pahayag sa inuusisa namin.

“Ayoko po kasing pangunahan ang mga posibleng mangyari. Basta puro positive lang po ang iniisip ko ngayon at kung anuman yung mga darating pa, magiging very grateful po ako,” makahulugang niyang pahayag.

High school pa lang, sa edad na 15 nang magsimulang umarte si Vance sa teatro. Pero hindi raw niya inisip na gawing career ang pag-arte.

“Nung bata ako, idealistic ako na parang kailangan tapusin ko muna yung pag-aaral at tapusin yung kurso. Nag-Law ako sa San Beda for two years, pero hindi ko na itinuloy dahil nagkasakit ang mom ko.

“Ngayon ko lang po siya naisip na gawing career kasi I fell in love with the craft, sa acting and filmmaking. At saka hindi ko na po siya gustong ituloy lalo na po dahil sa mga nangyayari sa atin ngayon. Mas gugustuhin kong gumamit ng ibang tool para maka-apekto sa karamihan at yon po ang pag-arte sa pelikula,” sey pa ng binata.

Hindi rin uso kay Vance ang magkaroon ng restrictions at limitasyon sa pagtanggap ng role sa pelikula.

Kaya daw niyang gawin lahat—maghubad, butt exposure, gay role, kissing scene sa lalaki at kahit frontal nudity pa.

Aniya, “Lahat po yon nagawa ko na sa teatro. Secure naman ako sa sexuality ko, walang problema don sa akin. At saka sining naman yon, eh, mahal ko ang sining. Kung anong inihahain mo dapat mahalin mo.

“Ako po naniniwala na kapag hiningi siya ng script, yung mga ganung daring na pagganap, gagawin ko naman po. Trained naman po ako sa teatro na walang pinipiling role. So bilang artista, kailangang gawin yon, kung anong hinihingi ng materyal,” matapang niyang pahayag.

Hindi ba siya nainip na ngayon lang nabigyan ng break sa pelikula at TV?

“Hindi naman po. Kasi nag-i-enjoy lang naman po ako sa ginagawa ko sa entablado. Nagsimula naman po ako as taumbayan (ekstra), tapos naging part ng production ng maraming beses. Tapos naging support, lead role.

“I mean, nakasanayan ko na po simula bata pa lang na patience is really a virtue,” katwiran ni Vance.

Katulad ni JC Santos na nagsimulang umarte sa entablado hangad din ni Vance na tuluyang ma-penetrate ang pelikula at telebisyon.

“Sana po, since may similarities po yung pinagdaanan namin. Siya galing ng Dulaang UP, ako galing akong Philippine Stagers, tapos nag-Dulaang UP din po ako. Sana ganun din po yung tahakin. At wala naman pong masama kung masundan ko po yung yapak niya,” huling pahayag ni Vance sa PUSH.