• Home
  • Fresh Scoops
  • Monsour del Rosario, ibinahagi ang dahilan ng pagbabalik-pelikula sa ‘Trigonal’

Monsour del Rosario, ibinahagi ang dahilan ng pagbabalik-pelikula sa ‘Trigonal’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/13/2018 9:47 AM
Monsour del Rosario, ibinahagi ang dahilan ng pagbabalik-pelikula sa ‘Trigonal’


 

Humarap sa ilang miyembro ng entertainment press si Monsour del Rosario para sa isang intimate presscon. Na-miss daw niya ang mga kaibigang entertainment press na matagal din niyang hindi nakakausap simula nung pinasok niya ang pulitika.

Balik din sa paggawa ng movie si Monsour via martial arts film na Trigonal na idinirek ni Vince Soberano. Eh, ano nga ba ang rason kung bakit nag-decide siyang magpelikula ulit?

“Yung mga nakakausap ko at nakikilala ako bilang Monsour, lagi nilang sinasabi sa akin, ‘Idol, bakit wala ka nang pelikula? Idol, gawa ka naman ng aksyon. Kahit hindi ka na makagalaw katulad nung kabataan mo, pero makita lang namin na bumabaril ka, sumusuntok ka, sumisipa ka, matutuwa na kami.’

“Eh, dito sa Trigonal magugulat sila kasi may galaw pa ako. Pero do’n sa Blood Hunters, ibang Monsour yung makikita nila dahil Filipino martial arts  yung ginamit ko,” kuwento ng dating taekwondo champion.

Dagdag pa ng actor turned politician, na-miss din daw niya ang showbiz kaya siya bumalik.

Aniya, “Nami-miss ko yung  atmosphere na napakagaan. At ang mga gulo at mga intriga, malayung-malayo. Masakit ang pulitika.

“Kasi noon, I enjoy being on the set, being with the crew. I enjoy talking to the director, with my co-stars, leading lady, my kontrabidas.

 “Dito sa Trigonal, maigsi lang ang role ko. Support lang talaga ako kay Direk Vince dahil kababata ko siya, project niya ito. At saka, ito rin ang group na gumawa ng Blood Hunters.”

Thirteen years na nagpahinga sa showbiz si Monsour. Year 2005 pa nang huli siyang gumawa ng pelikula—ang Uno—kasama si Ronnie Ricketts.

Sa Trigonal ay mentor ni Ian Ignacio ang role na ginagampanan ni Monsour. Dapat din daw ay siya ang bida sa pelikula kaya lang, hindi kakayanin ng schedule niya sa Congress kaya pumayag siyang maging support na lang ni Ian.

“Dapat ako ang bida dito, pero hindi kinaya ng schedule ko yung syuting (sa Negros) Yung Blood Hunters kasi, ang maganda, ang syuting ay sa Bataan, so pagkatapos ko sa Congress ng Wednesday, diretso na ako sa Bataan. Saka do’n tatlo kaming bida, so puwede kaming magsyuting na hindi kami sabay,” katwiran pa niya.

Samantala ang Trigonal na showing na sa September 26 ay prinodyus ng Cinefenio Film Studios, RSVP Film Studios, and Piaya distributed by Viva Films. Kasama rin sa movie sina Epy Quizon, Christian Vasquez, and Rhian Ramos.