• Home
  • Fresh Scoops
  • Jolo Revilla, posible daw na magkaroon sila ng pelikula ni Coco Martin

Jolo Revilla, posible daw na magkaroon sila ng pelikula ni Coco Martin

May sinulat na kanta si Jolo Revilla para kay Rhian Ramos at Jodi Sta. Maria.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/12/2018 9:38 AM
Jolo Revilla, posible daw na magkaroon sila ng pelikula ni Coco Martin


Photo credit: @jolo_revilla/ @mr.cocomartin on IG

 

Ngayong balik-eksena na ulit sa pagpoprodyus ang Imus Productions ng Revilla clan ay posible raw makipag-collaborate si Jolo Revilla kay Coco Martin sa paggawa ng isang action film.

“Siguro, mas maganda kung si Bong Revilla at si Coco Martin ang magsama. Pero siyempre, kaming dalawa, oo naman, puwede. Hindi pa lang namin napag-uusapan. Hopefully.

“May title ang Imus (Productions) na hawak ngayon, yung Sa ‘Yo Ang Cavite, Akin Ang Tondo. Pero wala pa, wala pa. Hindi pa napag-uusapan,” excited niyang pahayag sa PUSH nang makausap siya sa pocket presscon para sa trilogy movie na Tres kung saan bida siya sa episode na 72 Hours.

Natsugi na ang karakter ni Jolo sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang head ng PSG na nangangalaga sa presidente at ipinagpapasalamat niya raw nang malaki kay Coco na nakabalik siya sa teleserye.

Aniya, “Laking pasasalamat ko siyempre sa management at siyempre kay Coco dahil… thankful for giving me this opportunity to work again and sa pagbabalik sa teleserye dahil ang tagal na, after My Binondo Girl saka lang ako nakabalik.”

May bagong pinagkakaabalahan ngayon si Jolo at ito ay ang pag-compose ng mga kanta.

“Actually, madami na. May ‘Nahulog’, may ‘Napagod’, may ‘Dahil’. Pero hindi yon part ng film. Ginagawa ko lang yon, parang outlet kapag nalulungkot, masaya, inspired,” sey niya.

Niregaluhan din daw niya ng kanta ang leading lady sa 72 Hours na si Rhian Ramos.

“Yung ‘Napagod’ binigay ko kay Rhian. Siya yung kumanta. Kailangan daw niya ng Tagalog, parang sa album niya yata.”

Ano namang kapalit ng niregalo niyang kanta?

“Friendship. Kailangan ba lahat ng bagay may kapalit?” natatawa niyang sagot.

Eh, si Jodi Sta. Maria, binigyan din ba niya ng kanta?

“Actually, nung kami pa may nasulat akong kanta for her, yung ‘Nahulog,’” pag-amin ng aktor.

Umaasa pa ba siya na magkakabalikan sila ni Jodi?

“Only time can tell if we are really meant to be, di ba?” tugon pa niya.

Samantala, bida rin sa Tres ang mga kapatid ni Jolo na sina Bryan (Virgo) at Luigi Revilla (Amats). Ang pelikula ay ire-release ng Star Cinema sa October 3.