Ritz Azul, meron nang ka-date na non-showbiz

Ritz Azul, umamin na naiyak siya noon dahil sa culture shock sa showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/1/2018 11:11 AM
Ritz Azul, meron nang ka-date na non-showbiz


At 24 ay nananatili pa ring NBSB o no boyfriend since birth ang Kapamilya star na si Ritz Azul na leading lady ni Pepe Herera sa Regal Entertainment movie na The Hopeful Romantic. Pero ayon sa dalaga, may pagkakaiba na raw ngayon.

“Pero ngayon may ini-entertain na ako, dating and he’s not from showbiz,” pagtatapat ng dalaga.

“Nag-start lang sa barkada. Hindi ko binibilang yung romantic date. Ako kasi, cowboy kasi ako, eh. Mostly nga kasama naman yung friends, eh,” patuloy niya.

Hindi pa rin daw niya masabi kung mauuwi sa relasyon ang lahat.

“Well, let’s see. Hindi naman po ako nagmamadali”

Pinili raw niya talagang huwag munang mag-boyfriend.

“Kasi for the past few years, focus ako sa career. Mas inisip ko kasi yung ibang bagay kesa sa personal kong buhay. Ako kasi, masyado akong futuristic mag-isip kaya medyo naiwan ko yung side na yon sa kabataan ko.

“Saka nung time na yon naghihintay ako ng guy na hindi makakaabala sa ginagawa ko. Kumbaga, susuporta pa rin, so far, yung guy na ito, sumusuporta siya,” sambit ulit ni Ritz.

Napansin namin na medyo may kakaiba ang itsura ni Ritz nang humarap siya sa presscon ng The Hopeful Romantic. May pinaretoke ba siya?

Natawa siyang bigla.

“Wala. Wala. Kahit hawakan n’yo pa lahat ito,” sabay pisil sa kanyang ilong.

Pero hindi raw naman siya nagsasalita nang tapos about pagpaparetoke.

“Siyempre, hindi natin masabi yung future,” sambit niya. “Pero kung ako ang tatanungin ngayon, wala akong gustong baguhin.

“Kasi feeling ko pag may binago ako, hindi na ako yon. Parang magpapalit na ako ng pangalan no’n kung sakaling magpapalit ako.”

Halata ring mas may confidence ngayon si Ritz kapag humaharap sa interbyu ng press.

“Siguro mas natuto na lang ako ngayon. Mas na-open na yung mind ko sa syudad, kasi noon lagi lang sa probinsya, eh.

“Nahirapan din akong mag-adjust lalo na nung pagpasok ko ng ABS. Iba siya… iba,” pagbabalik-tanaw ni Ritz na napapailing.

Dugtong pa niya, “Ang dami kong luhang nailabas kasi sobra akong na-culture shock. Parang kailangan lagi kang maayos kahit na nagmo-mall ka lang, kasi artista ka, eh.

“Pero ako, personally, hindi ko pinasok sa utak ko lahat. Ginagawa ko lang kung anong gusto ko, kung saan ako masaya. Doon ako sa part kung saan ako proud. Natutunan ko din sa ABS na dapat panindigan mo kung ano ka,” pagbabahagi pa niya.

Samantala, showing na sa September 12 ang The Hopeful Romantic mula sa direksyon ni Topel Lee.