• Home
  • Fresh Scoops
  • Cathy Garcia-Molina ipinaliwanag kung bakit si Daniel Padilla ang ‘bagong John Lloyd Cruz’ ng buhay niya

Cathy Garcia-Molina ipinaliwanag kung bakit si Daniel Padilla ang ‘bagong John Lloyd Cruz’ ng buhay niya

Aminado si Direk Cathy na nag-clash sila ni Daniel sa ilang mga bagay.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/27/2018 9:40 AM
Cathy Garcia-Molina ipinaliwanag kung bakit si Daniel Padilla ang ‘bagong John Lloyd Cruz’ ng buhay niya


 

Ayon sa box-office director na si Cathy Garcia-Molina, si Daniel Padilla na bida ng pelikulang The Hows of Us (with Kathryn Bernardo) ang itinuturing niyang bagong John Lloyd Cruz ng buhay niya.

Bakit nga ba niya ito nasabi?

“Nakakaaway ko na po siya. Di ba po, the closer you get to a person, mas nag-aaway na kayo, nagkakaroon na kayo ng dahilan na mag-away kasi nga, hindi na trabaho lang. Nagiging personal.

“So, nasasaktan na niya ‘ko, nasasaktan ko na siya. Kasi kung trabaho lang, pakialam ko sa kanya,” paliwanag ng lady director.

Agree naman si Daniel sa tinuran ni Direk Cathy.

Aniya, “minsan, nakakalimutan naming nagtatrabaho kami, eh. Tropahan lang kami du’n, eh. May ganu’n, eh. So minsan, ‘opps, sobra na, mali pala ’ko.’”

Nangyari raw sa Amsterdam habang nagsusyuting sila ng pelikulang The Hows of Us ang una nilang pag-aaway.

Pag-amin ni Direk Cathy,  “Ako po kasi talaga, matampuhin. I’m a very sensitive person. Sensitive in a bad way and in a good way. So, may mga panahon na nao-offend na ako ni Daniel na hindi niya alam.

“But because, he is Daniel to me, pero kung ibang tao gumawa nu’n, ibang artista, hindi ako masasaktan. But because he is Daniel sa akin, nasaktan ako. Kasi hindi dapat ginagawa ng isang kaibigan sa akin ‘yun. Parang ganu’n.”

Dagdag pa ng director, maliit na bagay lang ang pinag-awayan nila ni Daniel. May pinabili lang daw siya dito na hindi nabili at nabigay sa kanya ng aktor.

Nagpaliwanag naman si DJ tungkol sa naging away nilang ito ng director.

“Alam niya naman nun’g nag-away kami do’n na mali kami pareho. Hangang du’n na lang. May ganu’n, may ganu’n. Honestly, hindi ko talaga alam ba’t umabot kami sa ganu’ng away,” natatawang pagre-recall ng aktor.

Patuloy niya, “Hindi, kasi siyempre, pagod na rin si Direk Cathy. Hindi lang kasi siya direktor, kumbaga, best actor din siya rito, eh. Kaya mahirap siya idirek kasi nabi-vision niya kung paano gagawin ang eksena.

“Mismong siya, alam niya kung ano ang dapat mong artehin. Kaya mahirap, okay? Mahirap.”

Aminado rin ang young actor na talagang hindi niya laging naibibigay ang gusto ni Direk Cathy na arte sa isang eksena.

“’Yun nga, kaya nagka-clash kami dahil iba na nga, eh. Dahil nga ilan na rin ang pinagsamahan namin, so, iba na ang gusto niyang makita. And mahirap ibigay pero kailangan niyang ibigay,” he said.

Eh, ano naman ang reaksyon niya sa sinabi ni Direk Cathy na siya ang John Lloyd sa buhay nito?

“Hindi naman. Iba pa rin si Idan (John Lloyd). Mahal na mahal namin si Idan. Hindi, ano lang, pinupunan ko lang ang ano ni Idan dahil wala pa siya sa ngayon,” sagot ng binata.

Samantala, after  The Hows of Us ay gagawin naman ni Direk Cathy ang Sharon Cuneta-Richard Gomez movie sa Star Cinema. May pangako rin daw siyang pelikula kay Piolo Pascual at gusto rin niyang bago siya mag-retire ay makagawa pa sila ng pelikula ni John Lloyd.

“Of course, I’m hoping, I’ll do it with John Lloyd, but I don’t know if he’s ready,” sambit pa niya.