EXCLUSIVE: Sarah Jane Abad, gusto bumalik sa showbiz

Suportado ng kanyang ate Kaye ang balak ni Sarah Jane Abad na bumalik sa showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/23/2018 10:56 AM
EXCLUSIVE: Sarah Jane Abad, gusto bumalik sa showbiz


 

Muling nagbabalik sa acting scene ang sikat na child star noong dekada 80 na si Sarah Jane Abad, younger sister ni Kaye Abad. Ang pelikulang We Will Not Die Tonight ni Erich Gonzales ang masasabing comeback film niya pagkatapos mamahinga nang matagal sa showbiz.

“Ang last ko pa nung mga six years old pa ako, di ba, yung puro may sakit (ang role). After nun nag-focus ako sa studies ko, so natigil talaga. Then after ng pag-aaral ko nagkaanak naman ako, so focus ako sa family. So ngayon lang talaga ulit… kung sana mabigyan ng chance, ako babalik,” simulang kuwento ni Sarah Jane sa PUSH.

Regular na napapanood noon si Sarah Jane sa Ang TV ng ABS-CBN. Naging anak siya nina Lorna Tolentino at Gabby Concepcion sa pelikulang Kung Ako’y Iiwan Mo ng Regal Films. Pero mas tumatak sa tao ang role niya bilang dying daughter nina Dawn Zulueta at Christopher de Leon sa pelikulan Kung Mawawala Ka Pa.

Patuloy niyang kuwento, “Nung high school kasi ako, parang medyo cool pa yung school, parang okey lang yung absences and all that, pero nung lumipat ako ng school medyo strict na. Nung college ako, gusto kong mag-Assumption College, eh, bawal ang artista do’n.”

Dalawa na ang anak ni Sarah—isang 12 at isang 8—sa asawang si Jay Contreras, ang frontman ng Kamikazee.

Mula sa pagiging sakitin sa mga ginawang pelikula, ibang-iba na ngayon ang image ni Sarah. Halos mapuno na ng tattoo ang kanyang katawan.

“Nung time na nagpahinga ako, yung ate (Kaye) ko naman naging ano ng vocalist ng Parokya ni Edgar, si Chito (Miranda). So, yon nakilala ko si Jay, so parang nasa band scene kami ng ilang years din kaya nai-influence na ganyan, tattoo and all that.

“Pero hindi ko naman pinagsisihan, okey lang.”

Alam ni Kaye na may planong magbalik sa showbiz si Sarah.

Ani Sarah, “Ever since naman sinasabi ko sa kanya na, ‘Uy parang gusto kong bumalik, and very supportive naman siya. Sobrang supportive yon, kahit nga nasa Cebu na siya lagi pa rin niya akong kinukumusta.

“Medyo baligtad kami ngayon, kung ako susubok ulit sa showbiz, siya naman, nag-focus siya sa kanyang family. Pero parang gusto rin niyang bumalik, nami-miss niya, eh, pero parang mas tutok lang siya ngayon sa family kasi may baby siya.”

Ano ba ang expectations niya sa pagbabalik sa showbiz?

“Ngayon I’m under Ricky Gallardo, so medyo nahihirapan kaming makakuha ng mga roles kasi with my tattoos nga. Hindi naman po ito disadvantage, pero parang nahihirapan lang kami, like minsan maka-cast with this role at sasabihing, ‘Ay may tattoo. Ay hindi puwede, kailangan naka-long sleeves.’

“Pag mahirap yung role, hindi puwede. May mga ganun po, eh, kasi hindi pa tayo masyadong open dito with tattoos sa women.

“Expectations ko? Wala naman po. Iniisip ko na lang na ito, (mga tattoos) ang parang edge ko from all the other actresses na ako yung may mga ganito at ito yung tatak ko,” paliwanag ni Sarah sa panayam ng PUSH.