EXCLUSIVE: Ogie Alcasid, hindi daw takot malaos

Wala pang balak si Ogie Alcasid na mag-retire sa showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/17/2018 9:26 AM
EXCLUSIVE: Ogie Alcasid, hindi daw takot malaos


 

30 taon na sa showbiz industry si Ogie Alcasid bilang singer-songwriter at aktor at ayon sa kanya, hindi siya natatakot na dumating ang time na malalaos din siya.

Ito ang naging pahayag sa PUSH ni Ogie nang makausap namin siya sa pocket presscon para sa kanyang OA: Ogie Alcasid 30th Anniversary Concert na gaganapin sa Araneta Coliseum sa August 24.

Sabi ni Ogie, “Hindi ako takot malaos. Kasi hindi naman yon yung… hindi ko nga alam na sisikat ako, eh.

“Sa totoo lang, enjoy lang ako sa ginagawa ko. Tapos, sanay ako sa hard work kaya kung anuman, kung saan man ako ilagay okey lang, okey lang sa akin.”

Alam ni Ogie na darating talaga ang pagkakataon sa kahit sinong celebrity na kukupas ang kanilang kasikatan.

“Darating yon, yung panahon na hindi ka na pinagkakaguluhan. Darating yung panahon na pag pinakilala yung pangalan mo, yung palakpak mahina na, hindi nagtitilian.

“Darating yung panahon na ang billing mo, hindi ka na main, maliit na lang… alam mo yon? At medyo nararamdaman ko na rin minsan yon and it doesn’t bother me at all. Serious ako, ha… serious ako,” seryoso ring pahayag din ni Ogie sa PUSH na sinundan ng malalim na buntong-hininga.

Ano ba ang balak niyang gawin kapag nangyari yon?

“Eto pa rin. Kasi puwede ka pa namang maging… Tingnan mo si Tito Eddie (Garcia), tumira lang nang tumira, alam mo yung ganun? Parang ganun din ako, eh, tira lang nang tira, upak nang upak.

“I think kung ganun yung disposisyon mo, you’ll be fine. Kasi the end result is ang sarap ng trabaho ko, okey ka na don,” lahad pa ni Ogie.

Inamin din ng magaling na singer-composer na wala sa plano niya ang mag-retire sa showbiz industry.

“Hindi. I will never retire, hangga’t humihinga tayo,” diin niya sa PUSH.

“I will never stop being an entertainer because that’s my life. Hindi ako mabubuhay ng walang ano… But I’ve to admit, mahilig akong magnegosyo,” dagdag niya.

Inisa-isa ni Ogie ang mga negosyong meron siya ngayon.

“I have restaurants (Hungry Samurai – kung saan ginanap ang kanyang pocket interview). I have Ryu Ramen, I have A Team, we produce concerts, we’re co-producing films. And then, meron kaming negosyo ni Regine, it’s called Green Food. It’s gourmet tuyo na mina-market namin ngayon at sobrang mabenta. Then I have a sound and light company called Thunder and Lightning, we’re going to use that din sa Araneta concert ko at nagsu-supply din kami sa ibang concerts and parties. Pero meron din naman akong mga failed businesses,” kuwento niya sa PUSH.