• Home
  • Fresh Scoops
  • Ano ang balak gawin ni Empoy Marquez ngayong natapos na ang Since I Found You?

Ano ang balak gawin ni Empoy Marquez ngayong natapos na ang Since I Found You?

Empoy Marquez, may serious side din daw.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/11/2018 10:10 AM
Ano ang balak gawin ni Empoy Marquez ngayong natapos na ang Since I Found You?


 

Successful ang pagbabalik sa ABS-CBN ni Empoy Marquez sa pamamagitan ng teleseryeng Since I Found You kasama sina Piolo Pascual, Arci Muñoz, at Alessandra de Rossi.

Napansin ng ABS-CBN ang komedyante at niligawan itong bumalik sa network pagkatapos maging blockbuster ng pelikulang Kita Kita na pinagtambalan nila sa kauna-unahang pagkakataon ni Alessandra.

“Nag-TV5 po ako at masaya ako na nakabalik dito. Sobrang thankful po ako na nakatrabaho ko silang lahat,” sambit ni Empoy.

After Since I Found You ano ba ang mga susunod niyang gagawin?

Ani Empoy, “After this po bakasyon po muna ako, mga two weeks. Tapos sasabak ulit sa work. Meron silang niluluto ngayon sa management ko po. Basta yon.”

Pupunta si Empoy ng Singapore at Japan.

“Yung bakasyon po, sa may church po namin sa Singapore po. Yung sa Japan, for work naman po, for tourism, sa government po ng Japan. Ako po yung napili nilang ambassador para ipakilala yung Japan sa pinakamagandang bansa sa mundo.

“Pagkatapos ng bakasyon po ilalatag na sa akin ng manager ko kung ano yung gagawin ko sa susunod. Siguro mas okey na po yung magbakasyon muna ako para makahinga rin ako para pagbalik ko fresh na naman po ulit para magtrabaho,” lahad pa ng komedyante.

Katulad din ba siya ng ibang komedyante na seryoso sa totoong buhay lalo na kapag nasa bahay?

“Siguro po masasabi kong ganun din nga ako. Kasi sa Bulacan po hindi naman ako ganito (nagpapatawa). Sobrang seryoso ko po sa bahay.
“Seryoso po talaga ako, kasi siyempre, ikaw yung nag-aayos sa family mo. Bihira lang akong magpatawa sa bahay. Sabi ko sa kanila, huwag silang masanay na ganun ako.”

Kapag umaalis daw siya ng bahay nila sa Baliwag ay don na lang siya nagta-transform.

“Yes po. Yung pagsakay ko ng sasakyan, yung pagluwas ko pag nasa NLEX na, kailangang hubarin ko na yung seryosong side ko at magbihis na ako ng ano ko para sa trabaho ko.”

Ikino-consider na ba niyang big star ang sarili ngayon?

Sagot ng aktor, “I’m not considering na big star po ako, pero I was (am) enjoying it, kung anuman yung meron po ako sa panahon na ito. Mula po naman nung nag-uumpisa ako hanggang ngayon ganun po yung ginagawa ko,” katwiran ni Empoy.

Samantala, aware ang komedyante na may mga pumupuna sa brand of comedy niya na gumagamit ng mali-maling grammar habang nag-i-Ingles.

“Siguro dapat may guidance ng magulang na eto trabaho lang ito ni Empoy, na dapat hindi masyadong gayahin. Pero ngayon kasi walang ganun, eh… Kailangan lang naman nating maging masaya, maging positive vibe lalo na sa dami ng pinagdadaanan natin ngayon. Kailangan nating tumawa,” huling pahayag ni Empoy sa PUSH.