• Home
  • Fresh Scoops
  • NO FILTER: Sweet Sister: The way Sofia Andres dotes on her brother Bryan will warm your heart

NO FILTER: Sweet Sister: The way Sofia Andres dotes on her brother Bryan will warm your heart

This is the Sofia Andres only her family knows

BY CRISTINA MALONZO-BALANE

Follow me on ig and tw: @kwentoph

FRESH SCOOPS

7/9/2018 5:55 PM
NO FILTER: Sweet Sister: The way Sofia Andres dotes on her brother Bryan will warm your heart


 

Marami ang di nakakaalam kung gaano kalambing bilang ate si Sofia Andres sa kanyang kapatid na si Bryan. Nagkaroon ng pagkakataon ang PUSH na masaksihan ito sa isang interview sa magkapatid. Na-diagnose with Down Syndrome si Bryan at 12 years old na siya ngayon. Pagmamalaki ni Bryan malapit na daw ang birthday niya at ang gusto niyang handa ay, “fries, nuggets, coke zero.” 

Sa kahit sinong pamilya, hindi madali ang pinagdadaanan kapag may kapamilyang may medical condition. Ayon sa ndss.org, kung ang isang tao ay merong 46 chromosomes, ang tao namang may Down Syndrome ay may 47 chromosomes at dahil dito ay, “they may look and learn differently.”

Ayon naman sa medicalnewstoday.com, nasa kalahati ng mga taong may Down Syndrome ay mayroong congenital heart defect. Si Bryan naman pinanganak na may butas sa puso. Ayon kay Sofia, “nung una may butas siya sa heart. Nag-heal pala by itself. Tapos yung mga buto niya sobrang lambot, so kailangan alalay talaga.” Ayon kay Sofia, may “mild autism” din si Bryan.

Kinuwento din ni Bryan ang pinagdaanan niya ng maoperahan siya sa buto sa hips. “Cast. Sakit. Iiyak ako kay Daddy. Buhat ako sa ospital.” Sa kabila nito, nanatili ang tapang sa kanya, “Hindi ako takot sa x-ray.”

Dahil sa kondisyon sa buto, alam din ni Bryan kung anong mga pagkain ang dapat para sa kanya. “Gatas and saging. Pampalakas buto. Ubas. Papaya,” sabi ni Bryan.

Kahit na may mga challenges pagdating sa kalusugan ni Bryan, “suwerte” si Bryan para sa pamilya niya. “It’s a blessing,” ani Sofia. At alam ito ni Bryan. Nang tanungin ni Sofia kung suwerte siya, ang sagot ni Bryan ay malakas na, “yes!” 

Proud si Sofia sa mga talents ni Bryan. “Sobrang talented ni Bryan. Sumasayaw si Bryan, kumakanta.” In fact, nakita namin sa interview na very smart nga si Bryan. Makuwento siya at matandain. Paborito din niya ang character ni “Lakas” sa Bagani at ni “Cardo at Ador” sa Ang Probinsyano.  Ginagaya din niya ang pre-game ritual ni Lebron James.

Kilala din niya sina Buzz Lightyear, Woody at Jessie ng Toy Story, mga character figures na binili sa kanya ng kanyang Ate Sofia mula sa kanyang recent trip sa Hong Kong. 

Sinubukan ng PUSH tanungin si Sofia tungkol sa pagiging ate niya kay Bryan, pero mas pinili niyang ibida ang kapatid niya, ang mga alam ni Bryan, ang mga talents ni Bryan, ang mga ngiti, mga yakap at mga lambing niya.

Malinaw na isa itong pamilya na sine-celebrate si Bryan. Hindi nila tinitingnan kung ano ang naibibigay nila kay Bryan kundi kung ano ang naibibigay sa kanila ni Bryan. Lalong-lalo na si Sofia na kinwento na magkatabi pa sila natutulog ni Bryan. “Magkatabi kami matulog kasi sobrang sweet niya. ‘Ate, tabi tayo.’”

Malaking tulong din si Bryan sa anxiety na pinagdaanan ni Sofia kamakailan lang kasi ramdam daw ni Bryan kapag malungkot siya. “Nararamdaman niya pag kunwari sad ako. Sasabihin niya, ate, what’s the problem? Tapos nagha-hug siya.” 

Totoong happiness nga daw si Bryan ng buong pamilya. “Kahit sa family, siya talaga ang ano namin, happiness. Promise. Kasi pag nakita mo siya parang wala ka ng problema. Tapos sobrang lambing pa. Tapos pag nag-aaway sa bahay, ‘’Wag na kayo away, Ate.’” 

Dahil sa mga medical conditions na meron ang isang tao na may Down Syndrome, takot sila Sofia na magkasakit si Bryan o may mangyaring masama sa kanya. “Yung magkasakit siya. Kaya now tina-try naming pakainin ng gulay.” 

Mensahe din ni Sofia para sa mga tao na may kilala o may kapamilyang may Down Syndrome, “just accept who they are. Saka just treat them as like they’re normal lang. Tsaka alam din naman nila na they’re very sweet... Mahalin lang talaga.”

Dahil sa interview na ito kay Sofia at Bryan, naiwan sa amin ang impression na sentro si Bryan ng saya ng pamilya Andres. Bukod dito, napagtanto namin na katulad ng marami sa atin, uunahin ni Sofia ang kapakanan ng kapatid niya, bago ang kanyang sarili.

Tinanong namin si Mommy Monette kung kumusta si Sofia bilang kapatid at ito ang masasabi niya. “Sobrang lambing nila sa isa’t isa. Basta naglambing si Bryan, may hinihiling or gusto, ibibigay ni Sofia. Si Bryan lagi yung gusto niyang katabi sa pagtulog lalo after taping. Yayakap na agad siya sa kama. Lahat gagawin niya para kay Bryan. Nung naaksidente si Bryan, hindi talaga siya mapakali. Nagbabantay siya hospital hanggang kaya niya. Sobrang maalaga talaga si Sofia when it comes to Bryan. Magkasundo talaga silang magkapatid.”