• Home
  • Fresh Scoops
  • Jolo Revilla, ibinahagi kung paano nakapasok sa ‘Ang Probinsyano’

Jolo Revilla, ibinahagi kung paano nakapasok sa ‘Ang Probinsyano’

Na-miss din ni Jolo Revilla ang showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/5/2018 9:56 AM
Jolo Revilla, ibinahagi kung paano nakapasok sa ‘Ang Probinsyano’


Photo credit: @jolo_revilla on IG

 

Naikuwento ni Jolo Revilla sa PUSH kung paano siya napasama sa top-rating series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Ayon sa vice governor ng Cavite, aksidente lang ang naging pagkikita nila noon ni Coco at hindi niya inakala na tutuparin ng aktor ang ipinangako sa kanya.

“Nagkita lang kami ni Coco last year sa airport. Na-delay siya nang matagal tapos dumating ako. Usap kami do’n, sabi ko, ‘Puwedeng sama mo naman ako diyan.’

“Sabi niya, ‘Oo naman, ikaw pa?’ Sinabi niya sa akin na basta hahanapan niya ako ng role. Hindi rin daw ako puwedeng lalabas na masama. Tapos tinawagan na ako. Nag-taping na ako,” kuwento ni Jolo.

Inamin din ng actor-poliltician na talagang na-miss niya ang showbiz.

“Nag-enjoy ako. Na-miss ko yung showbiz. And I’m looking forward on doing a lot of stuff,” he said.

Magkakaroon ba sila ng eksena ni Coco sa Probinsyano?

“Yon ang dapat nilang abangan,” pabitin niyang pahayag.

“Siyempre, gusto ko siyang makaeksena kasi nung huling nagkasabay kami sa isang eksena, launching movie ko pa yon, yung Ang Agimat: Anting-anting ni Lolo, 2002 pa yata yon at bata pa kami parehas noon,” excited niyang pahayag.

Ano naman ang reaksyon niya sa mga achievement ngayon ni Coco?

“Natutuwa ako para sa kanya dahil unang-una, binalik niya yung action. So, malaking bagay kasi maraming nabigyan ng oportunidad para magtrabaho ulit.

“Ang dami ring mga artista na walang trabaho ang nabigyan ng trabaho. Nakikita ko talaga na mahal niya ang industriya,” sambit pa niya.

Gusto rin daw niyang makatulong sa mga taga-showbiz kaya ibinalik ng kanilang Imus Productions ang pagpo-produce ng pelikula.

“Actually, itong trilogy na ginagawa namin, itong Tres, gusto namin siyempre natin na maibalik yung action lalung-lalo na sa movie industry.”

Bida si Jolo sa episode na 72 Hours sa ilalim ng direksyon ni Dondon Santos na kasama sa trilogy film na Tres.