• Home
  • Fresh Scoops
  • Christian Bables sinagot ang isyung wala siyang ‘utang na loob’ sa direktor na si Jun Lana

Christian Bables sinagot ang isyung wala siyang ‘utang na loob’ sa direktor na si Jun Lana

Sinabi ng aktor na ang di-pagkakaunawaan ay sa pagitan ng kanyang manager at ng direktor.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/30/2018 8:17 AM
Christian Bables sinagot ang isyung wala siyang ‘utang na loob’ sa direktor na si Jun Lana


 

Sa presscon ng Signal Rock ay iginiit  ng bidang si Christian Bables na plantsado na ang gusot sa pagitan nila nina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana. Matatandaang sumama ang loob ng big bosses ng Idea First Company nang nang tanggihan ng manager niya ang TV series na Born Beautiful.

Kasunod nito ay naakusahan si Christian na walang utang na loob. Si Direk Jun ang nagbigay ng big break kay Christian sa pelikulang Die Beautiful na pinagbidahan ni Paolo Ballesteros.

Ayon kay Christian, siya mismo ang nag-reach out sa dalawang director during the presscon of Pista ng Pelikulang Pilipino.
 
“Again, uulitin ko lang po ‘yung sinabi ko noon sa PPP, it was a misunderstanding between my former manager and direk Perci. I was totally out of the picture,” paglilinaw niya.

 “Ako, naghihintay lang ako kung kelan ang shooting ng Born (Beautiful). Bigla na lang isang araw, binalita sa akin na hindi na ako si Barbs (karakter niya). Okay lang kasi, alam kong may mga rason kung bakit nangyari ‘yun, tinanggap ko nang maluwag ‘yun,” dugtong ng aktor.

Nilinaw din ni Christian sa presscon na hindi ang pelikulang Signal Rock ang ipinagpalit niya sa Born Beautiful.

 “Nauna po ito (Signal Rock) bago ‘yung pag-uusap namin ni Direk Jun about Born Beautiful,” giit niya.

Dagdag pa niya, baka raw ang  teleserye niyang Halik sa ABS-CBN ang tinutukoy na dahilan kung bakit hindi niya natanggap ang Born Beautiful. Pero hindi raw ibig sabihin nito ay wala na siyang utang na loob.

 “Kung bubuksan n’yo ang dibdib ko, ‘yung utang na loob will always be here hanggang siguro sa mamatay ako. Itong mga taong ito (Perci and Jun) ang dahilan kung bakit ako nandito.

 “It’s very unfair for me and for them para sabihing nag-fall apart ang utang na loob ko sa kanila. Hindi po mangyayari ‘yun,”  sambit pa ng aktor.

Bida si Christian sa Signal Rock na idinirek ni Chito Rono at kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino na magsisimula sa Aug. 15 hanggang 21. Malaki ang pasasalamat niya na nakatrabaho ang magaling at batikang director sa pelikula.

 “Sobrang thankful, sobrang blessed, sobrang saya, kasi panaginip lang ‘to dati, eh. Itong lahat, panaginip lang ‘to before. Tapos, parang gumising ako isang araw, naging direktor ko si direk Chito, bonus, parang naging tatay ko pa siya.

 “Tapos, nakikita ko na ‘yung pangalan ko sa poster. Iba. Para po akong nananaginip,” pahayag niya sa PUSH.

Kasama rin sa Signal Rock na kinunan pa sa Samar sina Elora Espano, Mara Lopez, Francis Magundayao, Arnold Reyes at marami pang iba.