• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Eddie Garcia inaming muli siyang babalik sa ‘FPJ's Ang Probinsyano’

EXCLUSIVE: Eddie Garcia inaming muli siyang babalik sa ‘FPJ's Ang Probinsyano’

Muling babalik ang mortal na kaaway ni Cardo Dalisay.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/29/2018 9:15 AM
EXCLUSIVE: Eddie Garcia inaming muli siyang babalik sa ‘FPJ's Ang Probinsyano’


 

Iba ang itsura ng veteran actor na si Eddie Garcia nang makaharap namin siya para sa intimate interview para sa Cinemalaya 2018 entry na ML (Martial Law).

 

May dahilan daw kung bakit ganun ang itsura niya ngayon. Babalik daw kasi siya sa FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.

 

“Babalik ako do’n kaya ako nagpatubo ng balbas at nagpaputi ako ng buhok,” balita niya sa amin.

 

Ginagampanan ng beteranong aktor ang role ni Don Emilio na isang mafia leader sa Ang Probinsyano. Inakala ng marami na patay na ang kanyang karakter, pero nagkakamali daw sila.

 

“Nagpagulong-gulong ako sa bangin, di ba? Tapos merong flashback yon na napulot ako ng isang Igorot.

 

“Mag-a-assume ako ng ibang pangalan. Lilituhin ko yung CIDG,” kuwento pa ng isa sa pioneer cast members ng teleserye ng ABS-CBN.

 

Masayang ibinahagi ni Manoy Eddie na naging bahagi siya ng Ang Probinsyano na patuloy na namamayagpag sa rating.

 

“Ang teleserye, negosyo yan. Habang mataas ang rating, bakit mo papalitan? Hindi mo alam kung yung ipapalit mo, kakagatin, di ba?

 

“Habang mataas ang rating dugtungan mo nang dugtungan. Ngayon, kapag bagsak na putulin mo na, di ba?” katwiran niya.

 

Patuloy pa ni Don Emilio, “Naglalagay siya ng mga guest di ba? Ngayon meron na namang bagong pasok—si Carmi (Martin) saka si Roderick (Paulate). Nabibigyan yung mga dating walang trabaho. Madaming natutulungan si Coco, eh.”

 

May role pa ba siyang gustong gawin?

 

“Hindi naman ako naghahangad ng dream role, eh. Kung anong ibigay sa akin, tinatanggap ko,” huling pahayag ng beteranong actor-director sa interbyu ng PUSH.