• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Jon Lucas, aminadong umiiwas na sa barkada pagkatapos maging ama

EXCLUSIVE: Jon Lucas, aminadong umiiwas na sa barkada pagkatapos maging ama

Hashtags, masaya sa pagiging family man ni Jon Lucas

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/26/2018 9:56 AM
EXCLUSIVE: Jon Lucas, aminadong umiiwas na sa barkada pagkatapos maging ama


 

Inamin ni Hashtag Jon Lucas na malaki ang kanyang ipinagbago simula nung naging ama siya sa eight-month-old baby na si Brycen Christian.

“Siyempre, may mga nagbago. Actually, marami, eh. Unang-una, siyempre nawala na yung barkada. Hindi naman nawala totally, nandiyan pa rin naman yung barkada, pero more on priority mo na yung family.

“Hindi na puwedeng abutin ng late kasi kahit ikaw mismo, gusto mo ng umuwi nang maaga, kasi nga gusto mo ng makita yung baby mo, mayakap yung asawa mo.

“Gusto mong mawala yung stress mo, yung pagod mo. Kasi pag nakikita mo yung ngiti nung baby, nakakawala ng pagod, eh. ‘Wow, ito pala yon,’” kuwento ni Jon, bida ng pelikulang Dito Lang Ako.

May balak na ring bumukod si Jon kasama ng kanyang asawa’t anak pero hindi pa raw nila ito magagawa ngayon.

“Sa ngayon, hindi pa muna. Kasi si daddy ko nga, kakamatay lang ni mommy. Parang ang hirap namang iwanan ni daddy kasi wala siyang kasama, eh. May sakit siya sa puso, baka malungkot ma-depress kasi nga wala siyang kasama,” pagtatapat niya.

Sa palagay ba niya ay makakatulong sa showbiz career niya ang ginawang pag-amin na meron na siyang asawa at anak?

Paliwanag ni Jon, “Makakatulong siguro kahit papaano, lalo na yung past experiences ko, yung mga pinagdaanan ko noon, siguro puwede ko siyang magamit sa acting kapag kailangan na talaga sa eksena.

“Saka ngayon, mas alam ko sa sarili ko na mas kailangan kong galingan kasi may kailangan akong buhayin, may kailangan akong patunayan. Ayoko namang lumaki siya na hindi maginhawa yung buhay.

“Siyempre ako, pangarap ko na maging maginhawa yung pamumuhay niya, so lahat ng gagawin ko ngayon kailangan kong ibigay lahat yung best ko.”

Samantala, nanghinayang si Jon na hindi na naubutan ng nanay niya ang pagkakaroon niya ng apo dahil pumanaw na nga ito.

 “Yon nga, eh, yon nga yung nakakalungkot kasi si mommy, hindi na niya nakita si Brycen.

“Kung alagaan niya yung mga pinsan ko noon, parang nanay talaga. Tapos kung kailan daw ito na yung totoong apo niya, siya pa yung wala, so nakakalungkot nga.”

Ano naman ang reaksyon ng mga kasamahan niya sa Hashtags sa ginawa niyang pag-amin?

“Masaya sila para sa akin. Yung iba nga, nagbibiro-biro na naiinggit sila, pero siyempre biro lang naman yon,” nakangiti niyang reaksyon.

Kasama ni Jon sa Dito Lang Ako bilang leading lady ang kaibigang si Michelle Vito. Showing na ang pelikula sa August 8.