Ahron Villena aminadong 'wife material' si Kakai Bautista

Ano nga ba ang gustong-gusto ni Ahron na ugali ni Kakai?

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/23/2018 8:39 AM
Ahron Villena aminadong 'wife material' si Kakai Bautista


 

“Wife material” kung i-describe ni Ahron Villena ang kaibigang si Kakai Bautista na leading lady niya sa pelikulang Harry & Patty. Inisa-isa rin ng binata anu-ano ang mga katangian ni Kakai na gustung-gusto niya.

“Actually, marami akong gusto kay Kakai. Unang-una, napaka-family oriented niyang tao. Nakikita ko kung paano yung love niya sa family niya.

“Tanggap ko rin yung pagkataklesa niya, pagiging ano niya, maldita minsan, tanggap ko rin yon. Dahil sabi ko nga, sanay na ako sa kanya so kumbaga, pag nagsalita siya, labas sa kabilang tenga para hindi na lumaki.

“And siyempre, yung boses niya talaga, ang galing niya rin kasing kumanta,” pagdedetalye pa ni Ahron.

Pero hindi lang daw yon ang mga qualities na meron si Kakai. Gusto rin daw niya ang pagiging maasikaso nito.

“Napakamaasikaso ni Kakai. Malambing din si Kakai. Ako kasi, weakness ko yung mga ganyan – yung maasikaso, malambing.

“Before nga, after gym ko, malapit kasi yung gym ko sa bahay niya. Yung normal na ano, na parang, ‘Saan ka? Magluto ka nga diyan kakain ako diyan.’

“So, magluluto siya, magpi-prepare siya. Maasikaso talaga siya. Wife material nga, eh,” kuwento niya.

Eh, ano ang pumipigil sa kanya na gawing girlfriend si Kakai?

Paliwanag ni Ahron, “Siguro ano, mas gusto ko lang i-maintain talaga yung ganitong klaseng samahan namin bilang magkaibigan. Mas okay kaming ganito, eh.

“Kasi baka dumating sa point na parang, okay, naging kami, pero baka mas maging worst pag nag-away kami tapos maghihiwalay kami. Mas mawawala yung connection namin sa isa’t isa, mawawala yung communication  namin.

“If ever man na may boyfriend siya at mag-away sila o may girlfriend ako at mag-away kami, may masasabihan ako at may masasabihan din siya.”
Fourteen years na sa showbiz si Ahron pero hindi pa rin siya nagbibida sa mga teleserye.

“Actually, hindi ko rin po alam kung bakit, pero kung ano man po yung narating ko dito sa industry natin… I started 17 years old po ako sa TV Idol.

“Baka kung nag-lead ako sa isang teleserye nung medyo bata-bata pa ako, baka wala na ako ngayon, parang ganun. Hindi ko alam, hindi ko masasabi.

“Siguro, everything happens for a reason and siguro kaya ganito o ganun lang yung nangyari sa akin dati is siguro hindi pa ako ganun kahanda. Hindi pa ako ganun ka-confident sa sarili ko at hindi pa rin ako ganun kagaling umarte.

“Marami rin namang opportunities na binigay po sa akin talaga ang ABS-CBN. May mga projects na talagang magaganda and I’m really happy naman. Hindi na po ako nag-i-expect na magbibida ako sa teleserye. As long as yung character ko mapapansin ng audience, okey na ako don.

“Hindi ko inasam sumikat nang sobra. Para nga po akong alon, minsan meron, minsan wala, and I’m really very happy kung ano yung narating ko,” pagtatapos ni Ahron.