Marawi movie project, tuloy na tuloy na

Ground zero ng Marawi, dadayuhin para sa shooting.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

7/22/2018 9:36 AM
Marawi movie project, tuloy na tuloy na


 

Pormal nang ipinakilala sina Mylene Dizon, Piolo Pascual, Robin Padilla at iba pang mga aktor na gaganap sa inaabangan na Marawi Project ng Spring Films productions na Children of The Lake.

Ang Children of the Lake ay base sa tunay na kuwento ng mga pinagdaanan ng mga kapatid na Muslim sa naging giyera sa Marawi City.

Kuwento ni Direk Joyce Bernal na tumatayong producer ngayon ng pelikula, dadayuhin ng production team ang ground zero ng Marawi para doon i-shoot ang pelikula.

“100 percent of the film will be filmed sa Marawi. It depends nalang po iyon sa military kapag may something na kailangan nila kami paalisin doon. Yun lang po ang magiging hurdle namin. Pero as of now, one hundred percent po doon lahat,” ani ni Direk Joyce.

Aminado naman si Piolo na hindi biro ang proyekto na kanilang gagawin.

“Hindi po talaga biro ang proyektong gagawin namin na ito. Pero nung nakita mo na lahat ng suporta mula sa productions, the artist, even other organizations, makikita mo talaga yung sense of humanity at nakakataba ng puso,” sabi ni Piolo.

Tila sagot naman sa panalangin ni Robin ang maisakatuparan ang pelikula para sa mga taga Marawi.

“Ito pong pelikulang ito ay totoo na, ito po ay isang pangarap at ngayon ay maryroon nang press conference,” sambit ni Robin.

“Maraming imposible sa pelikulang ito, at yung mga imposible ay naging posible dahil mayroon pong vision and mission ang pelikulang ito,” pahayag pa ni Robin.

Ang Children of The Lake ay target na ipalabas sa ikalawang taon ng Marawi siege sa 2019 sa direksyon ni Sheron Dayoc.