• Home
  • Fresh Scoops
  • Dahil daw laging maingat, di daw akalain ni Jon Lucas na magiging ama siya agad

Dahil daw laging maingat, di daw akalain ni Jon Lucas na magiging ama siya agad

Jon Lucas, parang nabunutan ng tinik sa ginawang pag-aming may asawa’t anak na.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/21/2018 11:00 AM
Dahil daw laging maingat, di daw akalain ni Jon Lucas na magiging ama siya agad


Photo credit to: @lucas_aljhon IG

 

Para kay Jon Lucas, right timing na para aminin niya ang pagkakaroon ng asawa at anak sa entertainment media. Ginawa ni Jon ang pag-amin sa presscon ng pelikulang Dito Lang Ako kung saan bida sila ni Michelle Vito.

Pagtatapat sa PUSH ni Jon, “Kinausap ko muna yung management kung kailan ko puwedeng sabihin talaga. Sila naman po yung mas nakakaalam kung anong makakabuti. So sabi nga, may right timing, so naghintay ako ng right time at ngayon na nga yon.

Si Jon ay ikinasal sa isang non-showbiz girl na ang name ay Shy noong October of 2017. Ipinanganak naman ang anak nilang si Brycen Christian noong November at ngayon ay eight-months-old na.

Ayon kay Jon, maingat naman siyang tao kaya nagulat siyang sa edad na 22 ay makakabuntis na agad siya at magiging ama.

Ako, lagi akong nag-iingat,” natatawa niyang sabi sa amin.

Patuloy niya, “Eh, yon nga, naniniwala ako na nakatakda na talagang ipanganak yung bata na yon. Kumbaga, lahat naman ng nangyayari, nakatakda, so siguro kahit na anong gawing pag-iingat kung talagang ikaw yung makakabuntis, wala, eh, ganun talaga.

After ng ginawang pag-amin ni Jon, pakiramdam daw niya ay nabunutan siya ng tinik at nakahinga nang maluwag. Ilang oras lang after namin siyang makausap, ay nag-post na siya sa social media ng photo nilang mag-ama.

I am proud of many things in Life, but nothing beats being a FATHER. I LOVE YOU, Baby!” caption ni Jon sa photo nilang mag-ama.

Naamin ko na rin naman lahat, so feeling ko wala na akong kailangang itago. Malaya na akong ipagmalaki ang anak ko at kung sino ang mommy niya,” mensahe naman niya sa amin after posting.

Ipo-post na rin daw niya ang larawan nilang mag-asawa.

Oo. Para rin sa kanya (misis), ang sarap siguro ng pakiramdam na ipinagmamalaki siya. Kasi lahat naman ng babae, walang ibang pinangarap kundi ipagmalaki sila ng lalaking mahal nila.

So, yon siguro yung puwede kong ipakita ngayon, para naman makabawi ako,” lahad niya.

Eh, ano naman ang naging reaksyon ng Star Magic sa pagkakaroon niya ng anak?

Sagot ni Jon, “Hindi naman po nagalit. Ayun nga, tanggap naman po nila yung baby. Kasi lahat naman, madami naman pong artistang sikat na merong anak. Sinusuportahan naman po nila ako. Nandiyan naman po sila lagi para sa akin.

Yung supporters and fans ko naman, alam kong nagulat sila at nabigla. Pero sana maintindihan nila ang nangyari. Sana maintindihan nila ako at sana hindi magbago yung suportang ipinapakita nila sa akin,” pahayag ni Jon.