• Home
  • Fresh Scoops
  • Kakai Bautista, naka move-on na daw ngayon mula kay Ahron Villena

Kakai Bautista, naka move-on na daw ngayon mula kay Ahron Villena

Nagkuwento sina Ahron Villena at Kakai Bautista tungkol sa kanilang away-bati na pagkakaibigan.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

7/19/2018 11:10 AM
Kakai Bautista, naka move-on na daw ngayon mula kay Ahron Villena


 

Napuno ng tawanan at kulitan ang naganap na media conference ng upcoming movie nina Ahron Villena at Kakai Bautista na Harry and Patty.

Dito, ikinuwento ng magkaibigan ang kanilang away-bati na friendship na nauwi pa sa paglayo nila sa isa’t isa.

“Nagka-patawaran na kami sa isa’t isa. May mga bagay na hindi kami nagka-intindihan before siguro kaya one year kami hindi nagkita noon eh. Friends kami noon sa social media pero hindi kami nagkikita. Sabi ko kailangan namin sa isa’t isa ang time,” bungad ni Ahron.

Aminado naman daw si Kakai na hindi naging madali sa kanya ang muling makipag-ayos kay Ahron.

Matatandaan na inamin noon ni Kakai na nagkaroon siya ng special feelings para sa kaibigan.

Read: Ahron Villena to Kakai Bautista: ‘I'm really happy to have you as my friend’

“Si Ahron noong mga panahon na hindi kami nag-uusap, he made an effort at least three times to talk to me and to reach out so many times… he reached out to me. Pero ako lang talaga. On the fourth time sabi ko, ‘Sige na nga.’ Nagkita kami, nagyakap kami. Tapos wala na, tapos pumasok na kami sa kwarto! Charot! (Laughs)” sabi ni Kakai.

Nabansagan man na “pa-fall” o “pa-asa” si Ahron, naging maayos na daw ngayon ang kanilang pagkakaibigan. Kuwento pa ni Kakai, natutunan din niyang na pakinggan ang isa’t isa.

“Mahirap ang marami nakikialam, mahirap ang marami ganito ganyan. Confused ka na what you really feel and what you really say and what to really know and believe. Mahirap kapag may friendship o relationship kayo. Kailangan yung isa’t isa lang ang pakikinggan niyo,” sabi ni Kakai.

Ayon pa sa komedyana marami siyang natutunan kay Ahron. Aniya naka-move on na daw siya dito at mayroong tatlong manliligaw ngayon.

“I grew a lot when it comes to relationships. I’m actually dating some guy, some guys. Hindi lang isa. Out of showbiz at lahat sila gwapo! Sabi ko nga sa sarili ko, ‘huy, I’m enjoying myself as a single woman’ so may iba po ako priorities. Masaya po ako sa buhay ko ngayon. Si Ahron kapag kailangan ko siya, nandyan siya. Nanonood kami ng sine, lumalabas kami. I learned a lot from that experience,” pahayag pa ni Kakai.

Ipapalabas ang pelikulang Harry and Patty ngayong August 1 sa mga sinehan nationwide.