Whitney Tyson, hiling na makabalik sa showbiz

Komedyanteng si Whitney Tyson, tumira ng 15 years sa ilalim ng Nagtahan Bridge

BY CRISTINA MALONZO-BALANE

Follow me on ig and tw: @kwentoph

FRESH SCOOPS

6/4/2018 8:20 AM
Whitney Tyson, hiling na makabalik sa showbiz


 

Sa Rated K, nagkaroon ng ekslusibong panayam ang dating comedienne na si Whitney Tyson. Nakilala siya sa defunct show na Goin’ Bananas na umere sa ABS-CBN noong late 1980s hanggang early 1990s. 

Marami ang pinagdaanan ni Whitney simula nang mawalan na ng projects sa pag-aartista. Aniya, tumira pa siya sa ilalim ng Nagtahan Bridge sa loob ng 15 years. “Nawalan ako ng show. May nakilala naman akong pulis, dito sa ilalim ng tulay nakatira. So kinausap ko kung pwede dun na lang ako mag-move.” 

Dagdag pa niya, “Dito ko lahat naranasan, yung hirap, yung saya, yung sakit. Ang pinakamahirap na naranasan namin dito yung madaling araw na sinunog kami.” 

Matapos nun napadpad naman sa isang resettlement area si Whitney kung saan nakaranas siya ng kalupitan mula sa mga kapitbahay. “Andiyan ang batuhin kami, andiyan ang pati bola binabalibag sa bubong namin, parang inuunti na dini-destroy ang bahay na binigay sa akin. Tapos ang mga dialogue nila, laos ka na!” kwento pa nito.  

Hindi raw niya alam kung bakit galit sa kanya ang mga kapitbahay niya. “Hindi ko naman alam kung ano ang problema nila sa akin. Dahil siguro sa kulay ko. Kasi kami lang ang naiiba ng nanay ko. Dalawa kaming negra. Nagtaka siguro sila bakit ako nagkaron ng bahay, although karapatan ko naman yun kasi Pilipina ako e,” paliwanag pa ni Whitney.  

Ngayon naman nagho-host sa mga piyestahan sa iba’t ibang probinsya ang dating komedyante. “Ang buhay ko parang langgam, kahit walang tulog sugod nang sugod kung san ang schedule namin. Ang tulog na lang namin sa bus or sa service kung may service. Tapos mag-ipon nang mag-ipon, yung mga raining season na, wala nang labasan yan.” 

Kapag wala namang raket sa piyestahan ay stay-in siyang nagta-trabaho sa isang videoke bar sa Muntinlupa. Si Whitney rin ang sumusuporta sa kanyang nanay at kahit na tinatatawag siya laos, pursigido siyang pasukin kahit na anong trabaho, wag lang silang magutom na mag-ina. 

May isang kahilingan lamang din ang dating artista. “Simple lang. Tanggapin muli ako ng producer kahit anong estasyon, bigyan ako ng trabaho,” huling pahayag ni Whitney.