• Home
  • Fresh Scoops
  • Bagong singer na si Kiel, ipinaliwanag kung bakit tinawag na ‘Hugot King’

Bagong singer na si Kiel, ipinaliwanag kung bakit tinawag na ‘Hugot King’

Lumipat din ng manager si Kiel para mag level up ang career.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/3/2018 11:24 AM
Bagong singer na si Kiel, ipinaliwanag kung bakit tinawag na ‘Hugot King’


Photo credits: @rkvillacora IG

 

Kaagad na nakahanap ng bagong singer ang DZMM radio anchor at showbiz columnist na si Jobert Sucaldito na ipinalit niya sa lumayas niyang talent na si Michael Pangilinan.
 
Si Kiel ay isang balladeer na nakapag-concert na sa iba’t ibang venue si Kiel. His last was in Teatrino para sa concert na Kiel: Hugot King Strikes Anew.
 
Gaano ba kalaki ang tiwala niya kay Jobert?
 
“Nagtitiwala po ako kay Nanay (Jobert) nang buong-buo, as in 100 percent. Nakita ko naman po all through out kung paano niya ako inalagaan—yung respeto, yung professionalism, yung pag-push niya sa akin kung paano ako mas magiging mabuting singer—nakita ko po lahat yon na hindi ginawa sa akin ng mga dati kong managers,” ani Kiel.
 
Patuloy ng binata, “Yung tungkol naman po don sa mga umalis (Michael Pangilinan at Nikko Natividad), wala rin po ako sa lugar para magbigay ng comment kasi kung meron man silang hindi pagkakaintidihan sa kanila na po yon.”
 
Hindi rin daw magiging isyu sa kanila ni Jobert ang pera na tulad ng nangyari sa mga dati nitong talents.
 
“Hindi po natin puwedeng ihalintulad ang isang tao sa iba kasi magkaiba po kami lalo na po yung pagpapalaki, kung paano naituro ang values. Hindi po sa sinasabi ko na walang values yung iba, pero tinuruan po kasi ako na rumespeto ng kapwa.
 
“Wala po ang moral ko sa pera. Hindi po namin magiging isyu ang pera kasi ganun po ako noon pa hanggang ngayon. Yes, ang pera kinikita po yan, pero para gumawa ng masama o ng pangit sa kapwa… kasi wala namang moral ang pera, ang tao ang meron, so do’n po ako naniniwala.
 
“Gusto ko rin siyempreng mag-give back sa kanya, sa mga investment niya sa akin kahit papaano,” paliwanag ni Kiel.
 
Handa rin daw siyang magsakripisyo para sa pangarap niya na maging isang sikat na singer sa music industry.
 
“Isa lang po ang iniisip ko, sa buhay lahat mahirap, eh. Hindi na lang ako magrereklamo, magtatrabaho na lang ako, kasi yon yung nagiging hindrance sa pag-grow ko, eh. Ibibigay ko na lang po lahat,” paniniguro niya.
 
Samantala, may paliwanag naman si Kiel kung bakit Hugot King ang bansag sa kanya ng fans.
 
Aniya, “Siguro dahil sa Facebook po kasi madalas po akong may hugot kasi po noon ay galing ako sa three years relationship at nag-break po kami. So during that time, hugot ako nang hugot, na parang nakasanayan na lang, na naging laughing stock naming magkakaibigan.
 
“Tapos yon nga, nagkaroon po ako ng supporters along the way na hindi ko nga inaasahan. Sila yung nagbansag sa akin ng Hugot King. Saka yon din yung style ko ng pagkanta.
 
“Gusto kong tumatak ako sa industriya hindi dahil sa magaling ako, kundi dahil naire-relay ko nang tama yung kanta, yung feeling nung kanta, yon po yung importante sa akin,” huling pahayag ng baguhang singer