• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Jerome Ponce, aminadong nagka-‘attitude problem’ noon

EXCLUSIVE: Jerome Ponce, aminadong nagka-‘attitude problem’ noon

Ibinahagi din ni Jerome Ponce kung paano siya nagbago.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/26/2018 9:36 AM
EXCLUSIVE: Jerome Ponce, aminadong nagka-‘attitude problem’ noon


 

Dumaan si Jerome Ponce sa punto na inirereklamo siya ng director at production staff dahil sa pagkakaroon ng attitude problem. Marami ang nayabangan sa ugali niya noong nag-uumpisa pa lang siya sa showbiz pero eventually, nabago niya ito.

“Oo, grabe yung before. Siyempre, baguhan lang ako non. Marami pa akong hindi alam sa showbiz kaya nahirapan din talaga akong mag-adjust,” pag-amin ni Jerome na isa sa mga bida ng pelikulang Walwal.

“At saka bata pa rin ako noon. Teenager pa lang ako tapos bigla na akong sumalang sa tapings, sa pag-aartista, so, masyado akong na-overwhelm,” dagdag pa ng binata.

Pero ibang Jerome na ang kilala ngayon sa showbiz. Kumbaga, isa na siyang “renewed person” at nawala na ang angas at kayabangan sa katawan.

Aniya, “Natuto lang siguro ako. Siyempre, lahat naman ng tao natututo.

“Sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng dumaan, hindi lang dumaan, lalo na don sa mga nag-stay pa rin at saka tinuruan ako, nag-advise at hindi ako sinukuan.

“Nagpapasalamat ako na naging parte sila ng buhay ko. Kasi hindi ako magiging ganito, eh. Ang sarap lang ng feeling.

“Inaamin ko, minsan nakakalimot ako sa mga bagay kasi sobrang busy talaga, ang hirap, pero ang sarap lang sa feeling na itong mga taong ito nandiyan sila lagi para sa akin.

“Yung iba, nakikita ako habang pinapagalitan ako ng mga director, tinalikuran ako, pero nung nalaman nilang umokey (ang ugali ko), sasabihin nila sa ‘yo, hindi ka nila tinalikuran dahil yon lang talaga yung kailangan para matuto ako.”

Eh, ano naman ang reaksyon niya sa ibang mga pasaway na nae-encounter niya?

“Ako, hindi naman nagsasara ng pinto sa mga ganun. Siguro, malay natin may pinagdadaanan lang ang mga tao. Marami akong mga kaibigan na ganyan, pero naniniwala ako na laging may space sa mundo para magbago.

“Laging may space sa mundo para maintindihan ang lahat. Siguro time lang ang kailangan. Hindi naman pagsisisi pero dating yung time na magkakaroon sila ng lessons.”

Naikuwento rin sa PUSH ni Jerome na malaking factor ng pagiging seryoso niya sa craft bilang aktor ay si Direk Andoy Ranay.

“Sabi niya sa akin noon, ‘Walang magsasabing iba nito sa yo kundi ako. Kung para sa ‘yo pinapagalitan kita pero bakit ko gagawin ito, puwede namang wala akong pakialam sa yo dahil parehas lang naman tayong nagtatrabaho.’

“Oo nga naman, di ba? Puwede niya naman akong hindi kausapin, tapusin na lang niya yung show at sabihin niya na ayaw na niya akong makatrabaho, pero tinuloy pa rin niya, kinausap niya ako at sinabing malaki yung masasayang ko.

“Isa yon sa turning point, isa yon sa nagpa-realize sa akin na, ‘oo nga, dapat hindi ko sayangin yung chance,’” kuwento niya.

Isa rin daw sa nakapagpabago sa kanya ng pananaw sa buhay lalo na ngayon ay ang girlfriend na si Mika Reyes.

“Lagi niya rin akong kinakausap regarding sa ganyan. Lagi niyang sinasabi sa akin na… alam mo yon, wag kang magsasarado ng pinto sa pagbabago ng tao.

“Kasi yon nga, malay mo, di ba? Kasi ang tinitingnan lang natin madalas ay yung negative, pero dapat din nating isipin yung positive side. Tama naman siya,” huling pahayag ni Jerome sa PUSH.

Showing na ngayong June 27 ang Walwal under the direction of Jose Javier Reyes mula sa Regal Entertainment at Star Cinema.