• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Robin Padilla, umamin na hindi handa kung may ipakilalang fiancé si BB Gandanghari

EXCLUSIVE: Robin Padilla, umamin na hindi handa kung may ipakilalang fiancé si BB Gandanghari

Ayon kay Robin Padilla, sinusuporta nilang magkakapatid si Bb Gandanghari sa kanyang pamamalagi sa US.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/23/2018 12:44 PM
EXCLUSIVE: Robin Padilla, umamin na hindi handa kung may ipakilalang fiancé si BB Gandanghari


Photo credit: @gandangharibb (R) on IG

 

Para kay Robin Padilla, “bata” pa si Rustom Padilla sa bagong pagkatao niya bilang BB Gandanghari.

“Bata pa siya sa bago niyang kasarian as BB kaya ang dami pa niyang gustong gawin. Kami naman nakasuporta lang sa kanya,” saad niya.

“Ang wag lang niyang hingin sa amin yung… ipakilala niya yung papakasalan niya. Hindi ko pa kaya yon. Parang teka muna ‘tol, biglaan yan, ha, yung mga ganun.

“Hindi pa namin kaya yon. Wag niyang biglaan kasi… parang 12 years old na nagdala ng boyfriend siyempre magugulat din kami, di ba? Bata pa siya sa amin masyado. Hindi pa kami handa don,” giit ni Robin.

Mas okay daw na huwag na lang ipakilala sa kanya kung sino ang mapapangasawa ni BB.

“Gawin niya don, hindi naman niya kailangang… kasi mahirap yon, baka hindi namin mapakiharapan nang tama,” rason ni Robin.

Nakatira ngayon si BB sa Amerika dahil naniniwala daw ito na mas tanggap siya doon ng mga tao bilang isang transgender.

“Transgender siya, so ang kanyag pakiramdam, dito hindi pa masyadong tanggap yon at do’n sa Amerika, nando’n ngayon yung rebolusyon.

“Kasi sabi ko sa kanya, dito sa Pilpinas, baka 30 taon na siyang patay hindi pa yan tinatanggap sa atin kasi wala pa tayong ganung estado na tatanggapin ang transgender.

“Yung gay nga hirap na, eh. Pumunta lang ako sa isang gay marriage (nina Francis Libiran and partner) pero halos patayin na ako sa pamba-bash mula ulo hanggang paa,” pahayag pa ni Robin.

Inamin din ng aktor na napapanood sa morning series na Sana Dalawa Ang Puso na tinutulungan naman niya ang kapatid pagdating sa financial support.
 
Aniya, “Kung ako ang tatanungin, walang pinakamaganda kung hindi nandito ka sa Pilipinas. Eh, siyempre, yung kanya, napili niyang makipagsapalaran sa Hollywood. Eh, napakadami dong kompetensya.

“Humihingi siya ng tulong sa amin, lalo na siya, wala naman siyang income. Pero bilang magkakapatid nagtutulungan kami. Ginagawa naman niya lahat para kumita siya don, pero Amerika yon, ang daming nagugutom don.

“Pero hangga’t kaya namin siyang itawid, tutulungan namin siya. Pero pag hindi na namin kaya, eh, yon na yung reality strikes na, ‘Tol, umuwi ka na.’ Pero sa ngayon naman masaya kami na masaya siya.”

Samantala, bilang isa sa co-founder ng Brand Pilipinas na layuning isulong ang mga Pinoy brands at patatagin ang suporta sa mga Filipino companies, may napagdisisyunang gawin si Robin.

“Nag-usap na kami, lahat ng imported ko ido-donate namin sa Caritas,” pahayag pa ng actor.