Robin Padilla, may hamon sa kanyang kapwa artista

Pagsusulong ng pag-ibig sa bayan, bagong adbokasiya na isinusulong ni Robin Padilla.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

6/21/2018 5:16 PM
Robin Padilla, may hamon sa kanyang kapwa artista


Photo credit: @robinhoodpadilla (R) on IG

 

Love local, ito ang bagong adbokasiya na  isinusulong ng aktor na si Robin Padilla bilang ambassador ng Brand Pilipinas Movement 2018.

Ayon kay Robin, bilang isang artista, nais niya na maging boses sa kapwa Pilipino na mahalin ang produktong Pinoy.

“Hindi ito madaling gawin ... dahan-dahan natin na mahalin ang sariling atin,” bungad ni Robin.

“Itong sinasabi namin, lalo na para sa mga kasamahan natin na artista, para sa atin itong lahat. Kasi ‘pag hindi pa natin ito ginawa at hindi ninyo ginamit ang pagiging artista ninyo na kayo ay mai-mpluwensya, ay ganito na lang tayo. Masyadong nakakahiya para sa magiging anak natin,” sabi pa ni Robin

Aminado si Robin na hindi madali ang pagsusulong ng kanyang adhikain na maging makabayan.

“Hindi natin mabibigla ang mga tao, lahat may umpisa, kasi dapat ang pagkuha ng mensahe dito sa ginagawa po namin, isang paghamon ito. Hindi namin kayo pinakikiusapan, kasi wala naman kaming makukuha sa inyo. Hindi kami nagbe-benta dito at hindi kami nagpapabayad,” paliwanag ni Binoe.

 

Giit pa ni Robin sa mga ka-trabaho sa showbiz, ay maging isang ehemplo para sa nakararami.

“Dahil kapag tinanong ka, kung ano bang ginawa mo diyan sa kapangayrihan na ibinigay sa yo, sa kasikatan na ginawa mo. (Oo), maraming adbokasiya ang mga artista, kanya kanyang adbokasiya, pero walang pinakamagandang adbokasiya kundi ang pag-ibig sa bayan,” dagdag pa nito.