• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Anton Antenorcruz, aminadong last attempt na niya ang ‘Tawag Ng Tanghalan’ para makapasok sa showbiz

EXCLUSIVE: Anton Antenorcruz, aminadong last attempt na niya ang ‘Tawag Ng Tanghalan’ para makapasok sa showbiz

Nasubukan na din ni Anton Antenorcruz sumali sa iba’t-ibang singing competition.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/21/2018 9:56 AM
EXCLUSIVE: Anton Antenorcruz, aminadong last attempt na niya ang ‘Tawag Ng Tanghalan’ para makapasok sa showbiz


Photo credit: @antonantenorcruz on IG

 

 “Hindi man ako nanalo pero naniniwala naman ako na may plan si God kung kailan niya ibibigay sa akin yung dream ko na makilala, [na] sumikat as a singer.”

Ito ang positibong pananaw at pahayag ng It’s Showtime Tawag Ng Tanghalan Top 6 grand finalist na si Anton Antenorcruz nang eksklusibo namin siyang makausap.

Dagdag pa ng tinaguriang TNT Prince of Ballad, “Kung hindi man ngayon, okay lang. Andiyan pa naman yung PAL, hindi pa naman… kumbaga, supportive naman sila, pinapa-feel nila sa akin na ano’t anuman ang mangyari may babalikan ako.”

Umaasa ba siyang mananalo noon sa TNT grand finals?

“Ako, siyempre I came there to win. Pero nung nandon na ako, parang di na lang ako nag-expect,” sagot niya sa amin.

“Siyempre, gustung-gusto kong manalo pero nung nandon na ako sa top 6 sa Aliw Theater, parang sabi ko, kung ano na lang ibigay ni Lord, okay na ako. Kasi parang yung fact na nakapasok ako sa Top 6, sobrang laking blessing na rin.

“So, ni-ready ko na ang sarili ko non. Nung in-announce yung Top 3, wala, lahat sila tinatanong ako kung okay lang daw ba ako.

“Wala, wala akong sama ng loob. Hindi ako malungkot kung hindi man ako nakapasok sa Top 3. Kasi, sabi ko naman sa sarili ko binigay ko naman yung best ko kaya hindi masakit sa loob ko na hindi ako nakapasok sa Top 3,” dire-diretsong paliwanag ni Anton sa PUSH.

Ayon pa sa kuwento ni Anton, huling attempt na niya ang pagsali sa TNT at kung anuman daw ang kalalabasan ay handa naman siyang tanggapin. Previously, sumali na si Anton sa isang singing competition sa GMA at sa X Factor ng ABS-CBN noong 2012.

“Yon po ang sinabi ko noon sa sarili ko. So parang itong TNT, sabi ko parang gusto kong sumali hangga’t hindi pa ako ganun katanda. So far, ito yung pinaka-best experience ko sa lahat ng singing contest na sinalihan ko.

“Tingin ko po, kung hindi ako umabot ng grand finals, hindi na ako sasali ng ibang kompetisyon. I think, babalik din ako sa pagiging FA (flight attendant). Pero hindi pa rin naman ako mag-stop kumanta.

“Kasi hindi man agad dumating yung opportunity mo sa showbiz, andiyan lang naman yung work ko, eh. Kumbaga, nagkaroon na ako ng exposure, so habang wala pa, puwede naman akong bumalik sa pagiging FA at ini-enjoy ko rin naman pong mag-FA,” katwiran niya.

Hanggang kailan ba niya kayang maghintay to chase his dreams?

“Ako po, ngayong tapos na yung grand finals, I think, kahit gaano katagal willing akong maghintay. Kasi hindi mo naman puwedeng madaliin yon, eh. Kung talagang oras mo na, eh, oras mo na talaga,” nakangiting sagot ni Anton sa tanong namin.