• Home
  • Fresh Scoops
  • DJ Jhai Ho, kinuwento kung paano natanggap ng ama niya ang pagiging ‘beki’ niya

DJ Jhai Ho, kinuwento kung paano natanggap ng ama niya ang pagiging ‘beki’ niya

DJ Jhai Ho, naiyak sa pagbahagi ng kwento niya bilang isang fan

BY CRISTINA MALONZO-BALANE

Follow me on ig and tw: @kwentoph

FRESH SCOOPS

6/13/2018 9:18 AM
DJ Jhai Ho, kinuwento kung paano natanggap ng ama niya ang pagiging ‘beki’ niya


Photo credit to @mor1019jhaiho on IG

 

Sa Tonight with Boy Abunda, di mapigilang maiyak ni DJ Jhai Ho nang tanungin siya kung paano niya narating ang success niya ngayon. “Ako ay masugid na tagahanga po... nung bata ako Tito Boy, nag-audition ako dito sa ABS-CBN, sa Star Dance yun yung sayaw-sayawan, tapos Pinoy Big Brother, batch nila Kim Chiu... hindi ako natanggap. Siguro dahil hindi pa ako hinog, Tito Boy, hindi pa para sa akin nung time na yun.”

Sinabi din niya na kaya niya gustong mag-artista noon pa man ay dahil, “ako yung tao na nakakapagbigay ng saya, gusto ko nakakapagbigay ng inspirasyon, gusto kong tulungan yung pamilya ko.”

Lalo pang naiyak si Jhai Ho nang i-share niya ang karanasan niya bilang “beki.” “Aminin naman natin na kapag beki ka ang taas-taas ng pressure sa ’yo na dapat magaling ka. Dapat lagi kang nasa taas, dapat lagi kang number one, kasi ayaw ng Nanay at Tatay mo na nasasaktan ka, kasi nilalait ka kasi nga beki ka.”

Noon daw ay hindi tanggap ng ama ni Jhai Ho ang pagiging gay niya at kuwento pa niya, pinagsalitaan siya nito noon ng masakit bago siya mag-audition sa Star Dance. “Gusto mo ba sunugin kita? Para malaman mo na hindi ka talaga pwede mag-artista, hindi ka para diyan... Mag-aral kang mabuti para pag naka-graduate ka dun, dun kikita ka ng pera, magkakatrabaho ka dun...”

Pero hindi naman dun nagtapos ang kuwento ni Jhai Ho at ng ama niya dahil sa natutunan din siya nito tanggapin. “Tapos yun nung nagtatrabaho na ako dito as radio DJ, nakapag-teleserye na ako, sinabi ko sa Papa ko, ‘Papa, natutupad yung pangarap ko, totoo pag pinaghirapan mo yun at kapag nagpursige ka ibibigay sa’yo yun.’ Tapos unti-unti tinanggap na niya ako.”

Dagdag pa ni Jhai Ho, pinagmamalaki na siya ngayon ng ama niya. “Alam mo Tito Boy ang sarap umuwi sa bahay namin... excited ako na yakapin sila at napa-proud siya, pinagmamalaki niya na oo, anak ko yung Jhai Ho.”