Ella Cruz, sinagip si Donnalyn Bartolome sa pagkalunod

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/11/2018 9:39 AM
Ella Cruz, sinagip si Donnalyn Bartolome sa pagkalunod


Photo credit: @viva_films IG

 

Muntik na palang malunod sa syuting ng suspense-thriller movie na Cry No Fear ng Viva Films ang isa sa mga bida rito na si Donnalyn Bartolome. Ayon mismo sa kuwento ng dalaga, mabuti na lang daw at nailigtas siya ng co-star na si Ella Cruz.

Ang eksena raw ay sa syuting ay tatalon sila ni Ella mula sa terrace ng 2nd floor ng bahay.

Ani Donnalyn, “Tumalon kami to the pool tapos, hindi ko po kaya, ilang take na rin po kasi ‘yun, pagod na pagod na po ako. ‘Yun pala, nalulunod pala ang mga tao hindi dahil sa hindi sila marunong lumangoy kung ‘di pagod na po sila.

“Pag umaakyat ako, tubig pa rin ‘yung naaano ko. Hindi na ako nakakahinga. So, humingi na po ako ng tulong.”

Narinig naman daw ng direktor na si Richard Somes ang sigaw niya pero bago pa man daw ito makatalon, nandu’n na raw si Ella sa likod niya.

“Sobrang thankful ako, nandu’n na siya. Nabuhat na niya ako,” pagre-recall pa ni Donnalyn.

Ayon naman sa kuwento ni Ella, timing daw kasi na pagtalon ni Donnalyn sa pool ay tumalon na rin siya kaya nasa likod lang daw siya nito.

“Tapos nung sakto, siyempre, pagtalon ko, swimming ako. Pag-ahon ko, narinig ko siyang humihingi ng tulong. So, nag-rush na ako sa kanya. Inangat ko na siya,” kwento pa ni Ella.

Kinailangan pa ba niyang bigyan ng mouth-to-mouth resuscitation si Donnalyn?

“Ay hindi, hindi naman umabot nang ganun po,” natatawang sagot ni Ella.

“Pagkaahon ko sa kanya, nagka-catch lang siya ng hininga niya.”

 

Sabi pa ni  Donnalyn, hindi naman daw siya nawalan ng malay. Sobrang napagod lang daw siya sa nangyari.

“Yung parang mag-gi-give-up na ako, malulunod na ako, parang ganu’n,” sambit pa niya.

 “Napagod lang din kasi siya and malalim din kasi talaga ‘yung gitna ng pool, 6-7 ft, malalim po sa amin ‘yun,” sabi naman ulit ni Ella na petite kagaya ng kanyang co-star.

Samantala, nagsimula ang career ni Donnalyn sa showbiz bilang singer. Unang pelikula niya ang Cry No Fear kaya excited siya at medyo kabado.

 “Since first ko ‘to, nakakakaba talaga.  Dito na po papakita kumbaga kung marunong ka ba talaga, kung deserve mo ba ‘to, itong binibigay sa ‘yong break. So, ‘yun po, nakakakaba,” pahayag ni Donnalyn.

Palabas na ang Cry No Fear sa  June 20.

TAGS: Ella Cruz, Donnalyn Bartolome, Cry No Fear, Viva Films