Dating kakanin vendor, Mr. Universe Tourism 2018 na ngayon

Nanalo si Ion Perez bilang Mr. Universe Tourism 2018 pageant.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

5/31/2018 3:54 PM
Dating kakanin vendor, Mr. Universe Tourism 2018 na ngayon


Photos credit to the owners

 

Bagong pageant title ang nasungkit ng Pilipinas sa pagkapanalo ng 27-year-old na si Ion Perez. Tubong Concepcion, Tarlac si Ion at tinalo niya 20 male candidates na nagmula pa sa iba’t ibang bansa.

Pilipinas ang host country ng pageant ngayong taon at ginanap kamakailan sa Tanghalang Pasigueno. 

Kuwento ni Ion, wala sa ambisyon niya ang sumali sa male pageant kaya’t tatlong taon siya kinulit bago nakumbinsing sumali sa pageant.

“Mahiyain po ako. Sobrang mahiyain po talaga ako, siguro dala din ng isa akong probinsyano. Di ba po kapag sinabing probinsyano mahiyain ganun,” sabi ni Ion.  

Ayon pa sa binata simpleng buhay lang ang kanyang kinalakihan sa probinsya bilang katulong ng kanyang nanay sa pagtitinda ng kakanin.

“Tinutulungan ko po si nanay na gumawa ng kakanin, kasi po nagtitinda po siya. Ako po yung nagpa-pack sa mga kalamay na tinitinda niya,” sambit pa nito. 

Emosyonal din na nagkuwento si Ion nang balikan ang buhay na kinagisnan.

“Sobrang saya ko po, na ang isang bata na dati nilang sinasabihan na pangit, mabaho, maitim, eto na po ako ngayon,” naluluhang pahayag ni Ion. 

Malaki din ang pasasalamat ni Ion sa kanyang mga magulang at mga kapatid na siyang pinaghugutan niya ng lakas ng loob at inspirasyon.

Sa ngayon, plano ituloy ni Ion ang kanyang natigil na pag-aaral at ipundar sa negosyo ang nakuhang premyo mula sa pageant.

Ang pamabato ng Thailand na si Richard Carter ang unang itinanghal na Mr. Universe Tourism noong 2017. 

 

Mister Universe Tourism 2018 winners Indonesia 🇮🇩 Philippines 🇵🇭 India 🇮🇳

A post shared by MisterUniverseTourism (@mruniversetourismofficial) on